ALAMIN: Sino-sino ang puwedeng gamitan ng antigen tests sa NCR Bubble? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Sino-sino ang puwedeng gamitan ng antigen tests sa NCR Bubble?

ALAMIN: Sino-sino ang puwedeng gamitan ng antigen tests sa NCR Bubble?

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Inilahad ng Department of Health kung para saan lang dapat gamitin ang antigen tests, ngayong pinayagan na nila na bilangin na confirmed COVID-19 cases ang mga nagpositibo sa screening na ito sa mga nasa National Capital Region (NCR) bubble, sa harap ng pagdami ng mga kaso sa lugar.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pipiliin lang nang mabuti kung sino ang mga gagamit nito, gaya ng mga may sintomas, sa mga na-expose, o sa mga contact ng mga nagpositibong indibidwal.

"Gagamitin natin 'yan for those with symptoms, for those who were exposed, for those who were contacts of identified positive individuals," ani Vergeire.

Dagdag pa niya na hindi ito puwedeng gamitin bilang “screening” para sa mga pupunta ng trabaho o sa isang establisimyento.

ADVERTISEMENT

"Hindi pa rin natin pwede gamitin ang antigen test sa screening for example pupunta sa isang establishment, pupunta kayo sa trabaho. Hindi ho 'yan ang indikasyon na ginagamit ngayon," aniya.

Maaalalang nagpasya ang DOH na isama sa official tally ng COVID-19 cases ang mga positibong resulta ng rapid antigen tests sa NCR Bubble, sa harap ng nararanasang outbreak sa rehiyon. Hinihintay pa ang supply ng mga test kit bago simulan ang bagong polisiya.

Sa kasalukuyan ginagamit ang antigen test ng mga health facility ngunit kung magpositibo ay kailangan pa na ikumpirma ito gamit ang RT-PCR test.

Nilinaw din noon ng DOH na kailangan pa ring gumamit ng RT-PCR sa mga lugar na mababa ang kaso para kumpirmahin ang resulta, at ihihiwalay ang bilang sa mga datos na ilalabas ng DOH tungkol sa mga kumpirmadong kaso.

Bagama't hindi kasing-tugma ng PCR test ang antigen test, gagamitin lang umano ang mga test kit na aprubado ng Food and Drug Administration at ang mga na-validate na ng Research Institute for Tropical Medicine.

Nauna nang sinabi ni testing czar Vince Dizon na target nilang gumamit ng 30,000 antigen test kits kada araw.

"Meron tayong initial na 30,000 na makakarating the soonest possible time na maiayos natin lahat na kailangan for financial documents,” ani Vergeire.

"Pangalawa, nakausap natin kahapon ang WHO at nanghingi tayo ng tulong. Sila rin po ay magbibigay ng kaukulang assistance worth 20,000 rapid antigen test kits na sabi natin urgent," dagdag niya.

Umaasa rin ang DOH na dumating ang tulong ng WHO bago matapos ang linggo.

Ang Healthcare Professionals Alliance against COVID-19 (HPAAC), sang-ayon sa bagong pasya ng DOH.

"Ang need natin ma-identify in the shortest possible time frame 'yung mga taong positive sa COVID at may sintomas. The earlier we identify them we are able to take them out of circulation and that means they don’t infect more people," ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, infectious and tropical disease section chief ng Philippine General Hospital at miyembro ng HPAAC.

Ayon kay Ong-Lim, kinikilala nila na hindi kasing sensitibo ng RT-PCR test ang antigen test ngunit may paraan naman para siguruhing mataas ang accuracy nito.

“That means pipiliin natin 'yung may sintomas. Kung nag-positive sila we consider that an accurate result. Ang negative test kakailanganin talagang ulitin. 'Pag nag-negative sila pero highly suspicious na sila ay COVID positive ginagawan pa rin ng RT-PCR,” ani Ong-Lim.

Nakikipagtulungan naman ang Department of Health sa mga lokal na pamahalaan kung paano maire-record at maire-report ang mga pasyenteng pagagamitin ng antigen test.

— Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.