PatrolPH

Paano makakuha ng ayuda mula sa gobyerno sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19?

Arianne Merez, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 02:47 PM | Updated as of Apr 01 2020 11:41 AM

Paano makakuha ng ayuda mula sa gobyerno sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19? 1
Namamahagi ng relief goods ang mga volunteer sa San Juan City sa gitna ng Luzon lockdown, March 23, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA- Naglaan ng higit sa P200 bilyon ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ayuda sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng krisis dulot ng COVID-19.

Nasa 18 milyong pamilya ang tinatayang makatatanggap ng ayuda sa loob ng 2 buwan mula sa pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Mangongolekta ang Department of Social Welfare and Administration (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan ng mga listahan ng mga dapat tumanggap ng ayuda, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Mauunang mamigay ng pagkain ang pamahalaan bago ang pinansyal na tulong, ani Nograles.

Ang bawat pamilyang mapapasama sa mabibigyan ng tulong ay makatatanggap ng ayuda na naglalaro sa P5,000 hanggang P8,000. Nakabatay sa minimum wage ang ayudang ipamamahagi ng pamahalaan.

Narito ang mga detalyeng kailangang malaman ukol sa Social Amelioration Program:

SINO ANG DAPAT TUMANGGAP NG AYUDA?

Ang mga sumusunod ang pangunahing target ng ayuda ng pamahalaan:

1. Mga pamilyang pinakaapektado ng enhanced community quarantine batay sa pagsusuri ng pamahalaan at mayroong kahit 1 miyembro na:

- Senior Citizen
- Buntis o Nanay na nagpapasuso ng sanggol
- Persons with Disability (PWD)
- Solo Parent
- Indigent Indigenous Peoples
- OFW na nawalan ng trabaho o nagkaproblema sa trabaho dahil sa COVID-19

2. Mga walang tirahan

3. Mga pumapasadang drayber

4 Mga 'no work, no pay' na empleyado

5. Mga kasambahay

6. Mga maliliit na negosyante gaya ng mga may-ari ng sari-sari store na may lupang di tataas sa P100,000 ang halaga

7. Mga pamilyang may maliit na sariling negosyo gaya ng karinderya, prutasan, o gulayan

8. Mga sumasahod ng mas mababa sa minimum wage

9. Mga magsasaka at mangingisda

10. Mga manggagawang na-istranded dahil sa quarantine


PAANO MAKATANGGAP NG AYUDA?

Ayon sa DSWD, ang pamamahagi ng ayuda ay naaayon sa "lebel ng pangangailangan."

Narito ang mga hakbang para makatanggap ng tulong ng pamahalaan:

1. Hintayin na makatanggap ng Social Amelioration Card (SAC) form mula sa inyong lokal na pamahalaan. Ipamamahagi ito sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay ng mga opisyal.

2. Kailangan sagutan ng puno ng pamilya ang SAC form. Kailangan kumpleto ang impormasyon na hinihingi sa dokumento.

3. Isumite ang SAC form sa kawani ng lokal na pamahalaan na babalik sa inyong bahay.

4. Ipapahatid ng DSWD at ng ibang ahensya ng gobyerno ang ayuda sa inyo sa pamamagitan ng inyong lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.