Mga nagpakilalang miyembro ng NPA, nag-rally sa Mendiola

Dennis Datu, DZMM

Posted at Mar 31 2017 04:45 PM

Around 50 people who introduced themselves as NPA members staged a protest along Mendiola on Friday (March 31, 2017). ABS-CBN News

Nagsagawa ng isang protesta sa Mendiola ang halos 50 mga nagpakilalang miyembro ng New People's Army (NPA) nitong Biyernes.

Nakasuot ng pulang damit ang nasabing mga miyembro ng grupo na nakatakip din ang mukha ng bandila ng kilusan.

Mula sa simbahan ng Loreto sa Bustillos ay nagmartsa sila patungo sa Mendiola.

May mga bitbit silang placards at banners na nagpapahayag ng suporta sa Communist Party of the Philippines-NPA.

Ipinagbubunyi nila ang tagumpay umano ng ikalawang kongreso ng CPP at ng NPA na patunay umano na patuloy na sumisigla at buhay ang kanilang samahan.

Humarang ang mga nagpoprotesta sa kanto ng Recto at Legarda kaya walang nakadaang mga sasakyan na nagdulot naman ng matinding trapik.

Taliwas sa mga karaniwang protesta na nagaganap sa Mendiola kung saan napakaraming pulis agad ang nakaharang, ay wala ni isang pulis ang nagpakita sa naganap na protesta kanina.

Matapos naman ang halos 30-minutong rally sa Mendiola ay nagmartsa na ang mga nagpakilalang NPA sa Recto Avenue at bago sumapit sa Morayta ay naghiwa-hiwalay na.

Ito na ang ikalawang protesta ngayong linggo ng mga nagpakilalang NPA sa Maynila. Ang una ay naganap sa bahagi ng Cubao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.