Nasunog ang isang compound sa Barangay Don Galo, Parañaque, Marso 27, 2023. ABS-CBN News
Aabot sa 10 tao ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa Parañaque nitong madaling-araw ng Lunes.
Karamihan sa mga nasugatan sa sunog sa Barangay Don Galo ay nagtamo ng gasgas, habang mayroon ding mga nahirapang huminga dahil sa kapal ng usok.
Aabot sa 50 pamilya ang naapektuhan matapos matupok ang 37 bahay, ayon sa mga awtoridad.
Umabot naman umano hanggang ikatlong alarma ang sunog, na sumiklab pasado ala-1 ng madaling araw.
Bagaman nakaresponde ang mga bombero, nahirapan umano silang apulahin ang apoy dahil karamihan sa mga bahay ay gawa sa mga materyal na madaling masunog at makitid din ang daan sa compound.
"Maraming imbak 'yong 'tong gumagawa ng construction. Kasi 'yong vacant lot ay [ginawa] nilang imbakan ng plywood, mga lumbers. So isa ['yon] sa nag-trigger para lumaki ang sunog. Nadamay 'tong residential areas dito made of light materials," sabi ni Senior Inspector Ernesto Wanawan Jr. ng Parañaque Fire Station.
Ayon sa Parañaque Fire Station, ito na ang pang-20 sunog na naitala nila ngayong Marso o Fire Prevention Month.
—Ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.