Mga bus sa Davao City wala munang biyahe; mga negosyo sa terminal umaaray

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 04:08 PM | Updated as of Mar 25 2020 07:23 PM

Dahil wala nang mga pasahero, apektado na rin ang mga nagtitinda sa loob ng terminal. Screengrab

DAVAO CITY — Itinigil muna ang mga biyahe ng bus sa Davao City Overland Transport Terminal dahil sa ipinatutupad na lockdown sa buong rehiyon para mapuksa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Napagdesisyonan ng mga bus company na hindi na muna bibiyahe dahil wala namang puwedeng bumalik at makapasok na sasakyan sa Davao region.

Hindi pa masabi kung kailan babalik sa normal ang operasyon ng terminal.

Dahil wala nang mga pasahero, apektado na rin ang mga nagtitinda sa loob ng terminal.

Ayon sa isang stall renter na si Tata Ortega, wala na silang kita dahil wala nang bumibili.

"Nagtitinda kami saglit sa labas pero may pumupuntang pulis na paaalisin kami," aniya.

Umaasa pa rin silang bumalik na sa dati ang sitwasyon ng terminal.

Samantala, base sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH) sa rehiyon, umabot na sa 9 ang patay na persons under investigation sa COVID-19.

Gayunman, 4 sa kanila ay negatibo naman sa sakit at 5 ang hinihintay pa ang resulta. 

Anim na ang kumpirmadong COVID-19 cases sa Davao region, at 1 sa kanila ang nakarekober.

Sa huling ulat ng DOH, 552 na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, 35 ang nasawi, at 20 ang nakarekober.


—Ulat nina Chrislen Bulosan at Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.