Failon Ngayon: Hybrid electric train na gawang Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa loob ng higit isang sentenaryo, iba’t ibang klaseng tren na ang dumaan sa mga riles ng Philippine National Railways (PNR). 

Samu’t saring mga pasahero na rin ang naihatid ng mga ito. Isa na rito si Aling Rose Marie Austria na taga-Maynila. 

Ayon kay Austria, maganda ang lokasyon ng PNR kumpara sa LRT o Light Rail Transit. Bukod dito mas mura pa raw sa PNR. Nakakaiwas pa raw siya sa traffic at mas nalalapitan siya mula sa kanilang bahay hanggang sa kanilang opisina.

Malaki man ang naitutulong ng PNR sa commuter, hindi maikakaila na tumatanda na rin ang mga bagon nito. 

Sa ngayon ay may pitong sets ng tren ang PNR, ayon sa spokesperson ng PNR na si Jo Geronimo. 

Katulad ng LRT at ng Metro Rail Transit o MRT, back-to-back drivers cab ito na three-car formation. 

May mga parating naman daw na bagong biling tren mula sa ibang bansa. Pero gustong makipagsabayan ng Department of Science and Technology (DOST) sa produkto ng mga dayuhan. Pantapat nila: ang Hybrid Train na 100 percent gawang Pinoy.

"Ang hybrid electric train ay isang train na may dalawang power. Ang unang source ay generator, ang pangalawa natin ay battery. So nagtutulong ang generator at battery para patakbuhin 'yung train natin. Nakakatipid tayo ng fuel consumption. Du'n tayo nagkakaro'n ng energy saving," paliwanag dito ni Engineer Pablo Acuin ng DOST. 

Mula sa gulong, bagon, mga baterya, makina, at hanggang sa control panel ay dinisenyo ito ng mga engineer sa DOST. 

Halos P120 million umano ang nagastos sa tren na ito. Ang projected life span daw nito ay 10 taon, pero kung mame-maintain, maaaring pahabain pa ang buhay nito ng 20 taon.

Maaaring mapatakbo ang tren gamit ang diesel o elektrisidad. Fully-air conditioned ang tren, may CCTV, at ang mga bintana ay gawa sa polycarbonated na materyal para tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero. 
 
Pumasa na raw ang 4 na bagong hybrid train sa 5,000-kilometer performance test run ng PNR na nagtitiyak na maayos ang biyahe nito sa riles. Sa ngayon, pinaghahandaan naman ang validation testing ng PNR kung saan sasakay na rito ang nasa 800 mga pasahero.

Limang taon ginawa ang hybrid train ng DOST. 

Sa dami ng ginagawang railway system ngayon sa bansa, ang tanong: makakatulong na ba ang DOST sa problema? 

Ayon kay Acuin, "Kakayanin naman daw. Basta tangkilikin daw sana ito. Usually daw kase kapag ka internationally funded ang project, mas pinipili na 'yung tren ay galing sa mga bansa na 'yun. So sana daw bigyan ng chance ang tren nila."

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa Failon Ngayon tuwing Sabado, pagkatapos ng Pinoy Big Brother Otso, alas-11 ng gabi sa ABS-CBN Channel 2. 

Mapapanood ang replay ng Failon Ngayon sa ANC tuwing Linggo, alas- 2 ng hapon. 

Para sa iba pang detalye: 
https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage
twitter.com/Failon_Ngayon