BALIKAN: Mga hakbang ng gobyerno para matulungan ang mga nasapol ng pandemya | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

BALIKAN: Mga hakbang ng gobyerno para matulungan ang mga nasapol ng pandemya

BALIKAN: Mga hakbang ng gobyerno para matulungan ang mga nasapol ng pandemya

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Marso 16, 2020 nang isailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ).

Katumbas ng ECQ ang paghinto ng negosyo, transportasyon at kabuhayan, at tila pagtigil na rin ng buhay ng marami sa 57 milyong populasyon ng Luzon.

Nagbunga ito sa iba't ibang mukha ng ibayong hirap at gutom, tulad ng mga "mangangalahig" sa Rizal, na itinataguyod ang kanilang mga pamilya sa pangunguha ng basura.

"Mahirap. Ayaw naming makikita silang umiiyak, lalo na 'yong panganay namin, hindi namin maibigay. Masakit po 'yon," sabi ni Jasmin Non.

ADVERTISEMENT

"Nagdidildil na lang po kami ng asin," kuwento naman ni Aileen Estanislao.

"Mga gamot, asa-asa na lang kung sinong maaawa. Para kang pulubi," ani ng senior citizen na si Julia Estanislao.

Nagkaisa ang Kongreso na ipasa ang Bayanihan To Heal As One Act (Bayanihan 1), na naglaan ng pondo at nagbigay ng awtoridad sa pangulo na ipatupad ang mga programang tutugon sa mga problemang dulot ng COVID-19.

Kasama rito ang ayudang pinansiyal sa ilalim ng social amelioration program (SAP) para sa may 18 milyong mahihirap na pamilya, P100,000 tulong-pinansiyal sa health workers na magkakaroon ng COVID-19, at P1 milyon para sa pamilya ng namatay na health worker.

Sinundan ito ng Bayanihan To Recover As One (Bayanihan 2) Act, na aayuda sa 5 milyong pamilyang hindi nasama sa unang nabigyan ng SAP, mga naka-hard lockdown pa, at mga sektor na pinadapa ng pandemya.

Kasama rin sa Bayanihan 2 ang 2 buwang palugit sa pagbayad ng mga utang.

Pero marami pa rin umano ang hindi nakatatanggap ng ayuda sa ilalim ng SAP.

"Lagi na lamang pong walang alam ang mahal naming kapitan," sabi ng magsasaka na si Hilda Carcer.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), nakumpleto na nito ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Bayanihan 1 at kaunti na lang bago matapos ang pamimigay ng tulong sa Bayanihan 2.

"May mga ongoing pa tayo for emergency subsidy, ito 'yong mga lugar na napasailalim sa granular lockdown," ani DSWD Spokesperson Irene Dumlao.

Sa pag-abot ng tulong ng gobyerno sa mga tao, hindi nakaligtas ang maraming tauhan ng DSWD sa COVID-19.

Tatlo sa mga tauhan ng ahensiya ang namatay dahil sa sakit.

Mas mabilis na rin, ayon kay Dumlao, ang SAP distribution ngayon dahil pupuwede nang gumamit ng electronic cash transfer o mga e-wallet.

Puwede rin umaong i-check sa DSWD field office kung kasama ang isang tao sa mga tatanggap ng tulong.

Nitong Pebrero, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, kung saan sasagutin ng gobyerno ang gastos kapag may nakaranas ng matinding side effects ng COVID-19 vaccine.

Bagaman medyo kulang pa ang bakuna, patuloy ang pagtuturok sa buong bansa para sa health workers at ibang frontliner.

Isang taon din mula nang ipatupad ang lockdown, iginiit naman ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na kailangang magtulungan ang lahat para malampasan ang mga problemang dulot ng pandemya.

"We have to bring out our best and hope and pray na malulusutan natin ang pandemic na ito. Tingin ko hanggang next year hindi talaga magkakaroon ng magandang 'new normal'," ani Sotto.

Pero tiniyak umano ni Sotto na handa ang Senado na ipasa ang ano mang batas para makaagapay ang bansa sa krisis.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.