Pagdiriwang ng Parayan Festival sa San Roque, Northern Samar, Marso 19, 2023. Screenshot mula sa video ng Alisur Production at local government unit ng San Roque
Muling idinaos ngayong Linggo ang Parayan Festival sa bayan ng San Roque, Northern Samar matapos matigil ng 3 taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Sampung grupo ang nakilahok sa parada, tampok ang makukulay na costume at ritual dance, ayon sa municipal tourism office ng San Roque.
Ipinarada rin ang malalaking props na hango sa mga gamit sa pagsasaka.
Ang Parayan ay nangangahulugang "palay" at ipinagdiriwang bilang pagpapasalamat sa masaganang ani ng palay, na pangunahing produkto ng bayan.
Idinaos din ang pista kasabay ng founding anniversary ng bayan ng San Roque, na ginugunita tuwing ika-3 linggo ng Marso.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na makakahikayat ng maraming bisita ang pista, na makapagbibigay umano ng mga oportunidad sa mga residente ng bayan.
— Ulat ni Ranulfo Docdocan
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.