Baybay City, isinailalim sa general community quarantine

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News,

Posted at Mar 19 2020 01:35 PM

BAYBAY CITY – Ipinatutupad na rin simula Huwebes ang general community quarantine sa buong lungsod ng Baybay sa Leyte bilang tugon sa aksiyon laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ipinalabas na executive order ni Mayor Jose Carlos Cari na kaniyang pinirmahan nitong Miyerkoles, magkakaroon ng border control, curfew at magpapatupad din ng 4-day work week sa nasabing siyudad.

Wala rin pasok ang lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan.

Sarado rin ang mga establisyemento maliban sa drug stores simula alas-9 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Pansamantalang sarado naman ang internet shops, basketball courts, swimming pools, resorts, billiards hall at maging tourist spots gaya ng Lintaon Peak sa loob ng quarantine period.

Ipinagbabawal din ang pampublikong pagtitipon sa lungsod.

Ipinaguutos din sa lahat ng mga opisyal ng barangay ang pagpapatupad ng precautionary measures laban sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.