Bata patay nang makuryente sa extension cord | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Bata patay nang makuryente sa extension cord

Bata patay nang makuryente sa extension cord

Mylce Mella,

ABS-CBN News

 | 

Updated Mar 20, 2019 06:31 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

CALABANGA, Camarines Sur - Patay ang isang Grade 5 student matapos makuryente sa kaniyang ginawang school project.

Ayon sa ina ng biktimang si John Andrei Ramirez, nangyari ang insidente noong Marso 11 sa kanilang bahay.

Noong araw na iyon, umuwi si Ramirez at humingi ng materyales para sa paggawa ng extension cord, na proyekto umano nila sa subject na industrial arts.

“Tinuro niya sa amin kung ano ang kailangan niya, ang sabi ko po sa kanya hindi ako marunong nun. Sabi niya, tinuruan daw po sila ng teacher niya kung pano nila ia-assemble. Ginawa po ng Papa ko, binigyan siya nga gamit," ani Rachile Ramirez, ina ng biktima.

ADVERTISEMENT

Ginawa ni John Andrei ang extension cord sa loob ng dalawang oras, habang nagmamasid ang kaniyang lolo na isang electrician.

Nang matapos, pumunta ang bata sa kaniyang kwarto at isinaksak ang ginawang proyekto.

“Hindi naman po namin ini-expect na 'pag nabuo niya na to, isasaksak niya kaagad... Bigla na lang may lumagabog sa kuwarto. Dun po namin nakita na nakahiga na siya," dagdag pa ni Rachile.

Sa ospital na binawian ng buhay ang bata. Base sa kaniyang death certificate, cardiogenic shock at electrical burn injury ang dahilan ng pagkamatay ni John Andrei.

“Tinakbo na po namin sa BMC (Bicol Medical Center), pagdating po dun, 'yun na nga ang sabi na na-revive nila, nagkaroon ng heartbeat pero brain dead na kasi 'yung kuryente hindi lumabas sa katawan niya. 'Yung internal organs nya ang tinamaan sabi ng doctor," ani Rachile.

Nalulungkot ang guro na si Allan Jacob sa pagkamatay ng kaniyang estudyante. Paliwanag ng guro, hindi na dapat kailangan gumawa ni John Andrei ng extension cord dahil nakapagsumite na ito ng proyektong bangkito o maliit na upuan na gawa sa kahoy.

At nang itinuro niya ang paggawa ng extension cord, hindi umano siya nagkulang sa pagpaalala.

“Nung nagsasagawa na kami ng project, pagka-check ng mga materials and tools, the same reminder na dobleng pag-iingat. Then nung gumagawa na sila, nasa akin ang closely monitoring supervision. Saka hindi lang sila isang section ang pinagawa ko, tatlo po sila eh," ani Jacob.

Kinumpirma naman ni Deparment of Education Camarines Sur Superintendent Cecille Rivera na bahagi ng curriculum ang paggawa ng extension cord para sa asignaturang Industrial Arts.

“These projects have been done in the past already. And requirement doon sa eskwelahan (gagawin), hindi sa bahay. Beyond our control… It is part of the curriculum that is also a Basic training sa mga bata na matutunan rin nila," ayon kay Rivera.

Inamin ng magulang na si Rachile na may pagkukulang sila.

Panawagan niya sa DepEd, tingnan kung dapat ba talagang isama sa curriculum sa elementary ang paggawa ng extension cord.

“Sana po tanggalin na 'yung curriculum na ganiyan. Marami naman pong paraan na makagawa ng project. Naiintindihan ko po na K to 12. Sana maisip nila na ang mga menor de edad di pa kelangan gumawa ng ganiyan,” panawagan ni Rachile.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.