MAYNILA — Naniniwala ang isang grupo ng mga abogado na hindi sapat na panangga kontra umano'y "tanim-armas" ng pulisya laban sa mga aktibista ang pagsusuot ng body cameras.
Paliwanag ni National Union of Peoples Lawyers (NUPL) secretary general Rey Cortez, kadalasan kasi umano ay 2 pangkat ang nagsasagawa ng search operations.
"[They] will barge in and take into custody all occupants of the house, tas they're herded outside or in one place of the house, then the first search is conducted," sabi ni Cortez.
Pero matapos nito ay isang team pa umano ang papasok para sa totoong paghahalughog. Doon umano madalas nangyayari ang "milagro" o pagtatanim ng mga armas at pampasabog.
"If the first team did not wear body cams, hindi natin makikita yung mga planting of evidence and yung irregularities," paliwanag ni Cortez.
Ito ay matapos sabihin ng Supreme Court na posible silang maglabas ng patakaran para gawing mandatory ang pagsusuot ng mga pulis ng body cam sa mga operasyon.
Nanawagan naman ang NUPL na silipin ng Korte Suprema ang pag-iisyu ng search warrants laban sa mga hinihinalang parte ng armadong pakikibaka dahil kadalasan ay nauuwi umano ito sa mga patayan, tulad ng kontrobersiyal na "Bloody Sunday" kung saan pinaslang ng mga awtoridad ang 9 aktibista na "nanlaban."
Nauna nang sinabi ng pulisya na lehitimo ang kanilang mga operasyon laban sa umano'y mga parte ng New People's Army, na tinuturing nilang mga "terorista."
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, red tagging, NUPL, National Union of Peoples Lawyers, Bloody Sunday, Supreme Court, SC, Korte Suprema, body cam, body camera