Biyahe ng barko mula Cagayan de Oro, kanselado na dahil sa COVID-19

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 05:54 AM

CAGAYAN DE ORO CITY --Kanselado na ang lahat ng biyahe ng pampasaherong barko na paalis ng pantalan sa Cagayan de Oro City simula nitong Lunes.

Apektado sa kanselasyon ang mga biyahe papuntang Metro Manila, Cebu City, Bohol, at Dumaguete City.

Naglabas ng executive order ang lokal na pamahalaan ng nasabing mga lugar na hindi muna makakadaong sa kanilang pantalan ang mga barko mula sa ibang probinsya para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Walang passenger embarkation mula sa Port of Cagayan de Oro. Pero as to cargoes, tuloy ang departure ng mga barko. Babyahe pa rin ang mga barko na may kargang kargamento, mga gulay, agricultural products at goods kahit pa papuntang Cebu City at Metro Manila," ani Jessica Angeles, terminal manager ng CDO Port.

Pinapayagan pa rin ang mga pampasaherong barko na dadaong sa Cagayan de Oro Port, pero kailangan dumaan ang mga pasahero sa mga tauhan ng Department of Health (DOH) sa arrival area para alamin ang kanilang temperatura.

"Kung lagpas 37.5 degrees Celsius ang temperatura ng pasahero, dadalhin namin sila sa holding area para mainterview at alamin ang kanilang travel history at nakasalamuhang tao," ani Christopher Yap, nurse ng DOH-10.

Sa inisyal na abiso ng mga shipping companies, hanggang Marso 20 ang travel ban papuntang Bohol, habang sa April 14 naman ang papuntang Maynila at Cebu.

Nakapagtala na ng 142 kaso sa buong bansa ng may COVID-19, 12 patay at 3 nakarekober na sa sakit ang Department of Health.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.