Patay ang isang tricycle drayber matapos barilin nang malapitan ng riding-in-tandem habang nakapila sa terminal sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Sa kuha ng CCTV ng Barangay 144, makikitang nakapila sa terminal ng tricycle sa Malolos Street si Arnold Martinez, alyas Nognog, habang naghihintay ng pasahero.
Sa loob ng sidecar, nakasakay ang kaniyang 3 na anyos na anak na isinasama niya sa pagpapasada.
Ilang sandali pa ay may dumating na riding-in-tandem at pagtapat kay Martinez ay huminto ang motorsiklo, bumunot ng baril ang angkas, at binaril siya sa ulo.
Nakatayo pa ang biktima at nakapaglakad. Umalalay ang mga kapwa niya tricycle drayber pero tuluyan na siyang tumumba.
Nadaplisan pa ng bala ang anak ng biktima pero ligtas na ang bata.
Palaisipan pa sa pamilya ng biktima ang motibo ng krimen.
Sabi ng Caloocan Police, sangkot sa ilegal na droga ang biktima.
Hindi naman ito itinanggi ng dating asawa ni Martinez pero giit niya gumagamit lang siya at hindi nagbebenta.
Onsehan sa droga ang tinitingnang motibo sa krimen.
Hustisya ang sigaw ng pamilya ng biktima. Tiniyak naman ng Caloocan police na nakatutok sila sa kaso para maresolba agad ito.
--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
PatrolPh, Tagalog new, TV Patrol, TV Patrol Top, CCTV, tricycle, riding in tandem, krimen, crime, Caloocan, balita, war on drugs, droga, traysikel