Gumagawa ng oil spill boom mula sa bunot ng niyog ang mga taga-Lobo, Batangas bilang paghahanda sa posibleng pagtama sa kanila ng oil spill. Dennis Datu, ABS-CBN News
Pinaghahandaan na ng ilang lokal na pamahalaan sa Batangas ang posibleng pagtama ng oil spill sa kani-kanilang mga lugar.
Ito'y matapos sabihin ng University of the Philippines Marine Science Institute kamakailan na posibleng umabot ang oil spill sa Puerto Galera at Calapan sa Mindoro Oriental pati sa Verde Island Passage at ibang parte ng Batangas ngayong linggo.
Sa bayan ng Lobo, nagsagawa ng emergency meeting ang mga awtoridad para maghanda sakaling abutin ng langis.
Sampung barangay ang posibleng maapektuhan sa bayan, ani Angelique Atienza-Romero, public information officer ng Lobo.
Gumagawa na rin ang mga taga-Lobo ng oil spill boom mula sa bunot ng niyog.
Sa Talahib Pandayan sa Batangas City, na katapat ng Verde Island, nakaalerto na rin ang Bantay Dagat.
Ang bayan ng Lobo, Batangas City at Isla Verda ang ilan sa mga lugar na sakop ng Verde Island Passage, na sentro ng marine biodiversity sa buong mundo.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.