PatrolPH

Lalabag sa curfew maaaring arestuhin kung papalag sa sita: Año

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2020 02:47 PM | Updated as of Mar 14 2020 07:48 PM

Lalabag sa curfew maaaring arestuhin kung papalag sa sita: Año 1
May ilang pulis ang nakadeploy sa border ng San Pedro, Laguna at Muntinlupa City, Sabado, bago ang umpisa ng community quarantine ng Metro Manila. Screengrab mula sa video ni Aeron Dilla

MAYNILA - Ipinaalala ng awtoridad ang posibilidad na maaresto ang sinumang lalabag at papalag sa pagsita sa ipatutupad na curfew sa kalakhang Maynila simula Linggo sa gitna ng community quarantine para maagapan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, sisitahin muna ang sinumang makikita sa labas habang curfew. Kung duda ang awtoridad, aabisuhan ang tao na umuwi na lamang kung di rin lamang mahalaga ang pakay ng lakad nito.

"Kung mag-resist siya, aarestuhin siya. Ganun lang siya kasimple, very simple lang," pahayag ni Año sa isinagawang press conference Sabado.
 

Paliwanag ni Año, tanging ang mga taong may essential travel lamang ang papayagang lumabas sa loob ng curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

"Essential travel if you are going to work, seeking medical attention, buying essential goods and if you are doing official function like our government official, ili-limit lang natin doon," sabi niya.

Hindi aniya papayagan ng awtoridad ang mga tao na lumabas para mag strolling, malling o bumisita sa mga kamag-anak.

"Wala na 'yan. Hindi na dapat 'yan kasi non-essential ‘yun, kaya mong gawin 'yun after 30 days," paliwanag niya.

Ganito rin ang sinabi ni Jojo Garcia, hepe ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

"Pagsasabihan lang na nandito ang PNP na umuwi na kayo kung hindi importante ang lakad ninyo," sabi ni Garcia.

Ipatutupad ang curfew para mas malimitahan ang galaw ng tao habang nasa ilalim ng community quarantine ang Metro Manila bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ang community quarantine ay magsisimula Marso 15 at tatagal hanggang Abril 14. Bukod sa travel ban papasok at palabas ng Metro Manila, kinansela rin ang klase at ipagbabawal din ang mass gathering.

Payo naman ni Health Secretary Francisco Duque na laging gawin ang social distancing.

"Yung mga may essential activities na kailangan gampanan, sisiguraduhin na laging may social distancing. Laging inoobserba natin ‘yan. 'Wag po nating kakalimutan," sabi niya.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay may 64 kumpirmadong kaso ng coronavirus, kung saan anim ang namatay.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.