PatrolPH

Penitensiya, pagpapako sa krus ibabalik sa Pampanga sa Mahal na Araw

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2023 12:43 PM | Updated as of Mar 13 2023 07:23 AM

Watch more News on iWantTFC

SAN FERNANDO, Pampanga — Ipinakita ni Ruben Enaje ng Barangay San Pedro Cutud ang 2 krus na gagamitin niya para sa panata sa Mahal na Araw sa susunod na buwan.

Isinukat na rin niya ang gagamitin na puting damit at pulang balabal sa pagganap niya sa senakulo bilang Kristo.

Muli na kasing pinayagan ng lokal na pamahalaan ng San Fernando City ang pagpepenitensiya at pagpapapako sa krus ngayong taon, matapos matigil noong mga nakaraang taon dahil sa pandemya.

"Maligaya naman 'yong pakiramdam namin dito lalo na 'yong mga namamanata, 'yong nagpapadugo, wala na daw bawal-bawal, tuloy-tuloy na," ani Enaje.

Kasama rin umano sa panata ni Enaje ang pagbubuhat ng krus na may 15 talampakang haba at bigat na 37 kilo.

Papasanin niya ito sa ilalim ng matinding sikat ng araw ng halos 2 kilometro papunta sa burol kung saan siya ipapako.

Ayon kay Enaje, na 62 anyos at 34 taon nang namamanata, posibleng ito na ang kaniyang huling taon na magpapako.

"Alay ko po ito ngayon sa mga tao na tinamaan ng COVID tsaka hinihiling ko sa ating Panginoon na 'yong sakit na ito, mawala na lang bigla kasi maraming tao ang nagdusa dahil sa pandemya," aniya.

Muli namang nagpaalala ang Simbahang Katolika na may ibag paraan ng pamamanata, bukod sa pananakit sa sarili. Kasama rito ang mataimtim na pagsisisi sa mga kasalanan at pagtutulong sa mga nangangailangan.

Sa Abril 7, Biyernes Santo, nakatakdang magpapako si Enaje.

— Ulat ni Gracie Rutao

alt
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.