San Juanico bridge, planong pailawan ngayong taon

Melanie Bingco, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 04:42 PM

Planong lagyan ng mga pailaw ang kahabaan ng San Juanico Bridge, na nagdudugtong sa Samar at Leyte, ngayong taon. Melanie Bingco, ABS-CBN News

TACLOBAN CITY - Inaasahang matutuloy na ngayong taon ang pagpapailaw sa San Juanico Bridge matapos aprubahan ng gobyerno ang pondo dito.

Ayon kay Samar Gov. Sharee Ann De Los Santos, inaprubahan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang higit P60-milyong pondo para sa proyekto para sa tulay na nagdudugtong sa Samar at Leyte.

"Diri an the usual light nga aton ginagamit, an ira ginbasehan an lighting of bridge abroad.. mag-iiba iba hiya hin color and thematic hiya, so depende han mood naton like if it's Christmas maiiba liwat hiya," aniya.

(Hindi yung usual na light ang gagamitin, ang binasehan kasi ay lighting of bridge abroad.. magpapalit palit siya ng color at thematic siya, depende sa mood natin halimbawa kung Christmas, maiiba siya.)

Dagdag niya, maglalagay din ng viewdeck o boardwalk sa may bahagi ng Samar kung saan mae-enjoy ng mga turista ang light show.

Ang pagpailaw sa tulay, tinaguriang pinakamahaba sa buong bansa, ay inaasahang makakatulong sa turismo. 

"Malaking impact siya both the region and the nation, usa iton nga nakita naton nga makaka-magnet han mga tawo," ani De Los Santos.

(Malaking impact siya sa region at sa nation. Isa ito sa mga nakita nating mas makakahatak ng mga tao.)

Aniya, nakikita nilang mas makahahatak ng mga turista ang lighted San Juanico Bridge na inaasahang magiging pinaka-unang magkakaron ng ganitong pailaw sa buong bansa.

Dagdag pa ni De Los Santos, target nilang mapailawan na ito sa Nobyembre 8, kasabay ng anibersaryo ng paghagupit ng bagyong Yolanda.