'Holdaper', patay sa engkuwentro sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at May 19 2018 07:03 AM | Updated as of May 19 2018 11:05 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Patay ang isa umanong miyembro ng robbery-holdup group matapos maka-engkuwentro ang mga pulis sa Caloocan City.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng namatay na lalaki.

Ayon kay Chief Insp. Michael John Villanueva ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), huhulihin sana ang grupo sa isang checkpoint pero nakipagbarilan ito sa mga pulis.

Nakatakas naman ang umano'y lider ng grupo na kilala bilang alyas Epoy.

"Base sa information na nakuha namin, titira ulit itong Epoy robbery-holdup criminal gang dito sa area na ito," ani Villanueva.

"Itong grupo na ito ay 'yung suspek sa panghoholdup sa Caloocan at mga karatig bayan."

Nakipag-ugnayan kaagad ang CIDG sa Police Community Precinct (PCP) 6 ng Caloocan at ikinasa ang checkpoint na nauwi sa barilan.

Sinasabing nasa 5 hanggang 7 ang miyembro ng grupo at umabot na rin ang kanilang operasyon sa Bulacan. - ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.