3,000 kabahayan sa Pagsanjan walang tubig; pagsasara ng pumping station inireklamo | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

3,000 kabahayan sa Pagsanjan walang tubig; pagsasara ng pumping station inireklamo

3,000 kabahayan sa Pagsanjan walang tubig; pagsasara ng pumping station inireklamo

ABS-CBN News

Clipboard

Mahigit 3,000 kabahayan ang naapektuhan sa pagsasara ng water pumping station 7 sa Barangay Pinagsanjan sa Pagsanjan, Laguna, na nag-uugat umano sa sigalot ng Pagsanjan Water District at ang bagong may-ari ng lupang kinatatayuan ng istasyon. ABS-CBN News

Tatlong buwan na umanong walang tubig ang ilang bahagi ng Pagsanjan, Laguna dahil sa ilegal umanong pagsasara ng pumping station ng water district, kung saan mahigit-kumulang 3,000 kabahayan ang apektado.

Ayon sa mga residente, nagsimula ang problema noong Disyembre 2020, nang isara ang pumping station 7 sa Barangay Pinagsanjan nang nagpakilalang bagong may-ari ng lupa.

Isinara umano pati ang daan kaya kahit mga tauhan ng Pagsanjan Water District (PAGWAD) ay hindi makapasok.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tatlong buwan nang problema ng mga residente kung saan sila kukuha ng suplay ng tubig. Ang mga residente ng Sitio Tarikan, nagtitiis sa pag-akyat-baba sa matarik na daan para makaigib ng tubig.

ADVERTISEMENT

"'Pag 'di po kami umigib, wala po kaming gagamiting tubig. ‘Yung anak ko naman di makakaigib kasi bata pa, ‘yung asawa ko may trabaho," ayon sa residenteng si Joyce Aquino.

Ayon sa PAGWAD, may memorandum of agreement o kasunduan sila ng may-ari ng lupa.

Pero ang problema, namatay na ang orihinal na may-ari ng lupa at ibinenta umano ng nagmana nito. Kasama umano sa ibinenta ang lupang kinatatayuan ng pumping station.

Ang gusto ng nagpakilalang bagong may-ari ng lupa na si Catalina Nazario, dapat bilhin o rentahan ng PAGWAD ang lupa.

Pero giit ng PAGWAD, walang maipakitang dokumento si Nazario na sa kaniya talaga ang lupa, lalo’t nasa korte pa ang usapin ng naiwang lupa ng orihinal na may-ari.

"Hinihingan namin ng papeles, o sige ho kung gusto niyo, ibenta, babayaran namin kahit mayroon kaming usapan pero nasaan ho ang proof of ownership? Kahit man lamang Deed of Sale, gusto nila mag-offer kami, magbayad, nasa gobyerno kami puwede ba kami magbilihan nang wala kami nakikitang papeles?” ani PAGWAD General Manager Alex Paguio.

Pero depensa ni Nazario, may ipinakita nang kopya ng Deed of Sale ang kaniyang abogado.

"'Yung MOA po ay sa dating may-ari na considering kung mababasa niyo diyan na kailangan doon sa MOA mag-e-execute ng Deed of Donation, eh hindi naman po nila inasikaso. Ibinenta noong dating may-ari sa bago, sa akin po na kasama 'yung pump station, 5 years na rin po ako naghihintay sa kanila, wala po talaga silang ibinibigay na offer kung ire-rent ba,” ani Nazario.

Ayon sa PAGWAD, nasa 3,000 kabahayan ang apektado ng sigalot sa pagitan ng water district at may-ari ng lupa.

Dahil dito, pakiusap ng mga kapitan ng barangay na buksan muna ang pumping station habang inaayos ang problama.

“Humahaba po ang panahon na nagdurusa ang aming kabarangay. Simple lang po panawagan naming buksan 'yung tubig habang nag-uusap, gamitin natin ang ating kapangyarihan bilang executive,” ani Emer Javeniar, kapitan ng Barangay Pinagsanjan.

Namagitan na rin ang mayor ng Pagsanjan, pero nagmamatigas umano ang may-ari ng lupa.

"Sumulat na ako sa pulis, triny nila na buksan ito, dala ang letter ko pero 'yung hepe natin ng pulis nagsabi siya na mayor kung itutuloy natin baka magkasakitan kasi mayroon din doon duty na security guard. Sabi ko 'wag natin [hintayin] makaranas ng ganiyan na sakitan, so daanin natin sa pag-uusap," ani Pagsanjan Mayor Peter Casius Trinidad.

Sagot naman ni Nazario: "Ang tagal ko na po sila pinagbigyan since June, hinihintay ko po talaga sila, kahit noon pa po, simula pa po noong June hanggang nitong nag-December talaga pong naghintay ako ng offer nila."

Nakahanap na ng pansamantalang source ng tubig ang PAGWAD at ang LGU pero ang problema napakahina ng pressure nito kaya wala ring lumalabas na tubig lalo na sa mataas na lugar.

Nakatakdang maghain ng kaso ang PAGWAD laban kay Nazario sa paglabag sa Water Crisis Act.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.