Sa kabila ng maraming kalamidad na tumatama sa bansa, mas maraming Pilipino pa rin ang nagsabing hindi sila handa, batay sa isang pag-aaral.
Ayon sa survey na isinagawa ng Harvard Humanitarian Initiative (HHI), 74 porsiyento o 7 sa bawat 10 Pinoy ang nagsabing wala silang kakayahan mag-invest o maglaan ng pera para sa paghahanda sa mga sakuna.
Tatlumpu't anim na porsiyento o 1 sa bawat 3 Pilipino lang ang nagsabing "fully prepared" o handang-handa sila sakaling may tumamang kalamidad, batay sa pag-aaral.
Ayon sa pag-aaral ng HHI, malaking balakid sa paghahanda ng mga Pilipino sa mga sakuna ay ang kawalan ng pondo para rito at ang kawalan ng oras para maghanda.
Isa sa bawat 2 Pilipino ang nagsabing wala silang ginawa para maghanda sa mga sakuna sa nakalipas na 5 taon.
Pero 8 sa bawat 10 Pinoy ang nagsabing napag-usapan na ng kanilang pamilya kung ano ang gagawin sakaling magka-emergency.
"One of the things that they say is despite those discussions, that they remain underprepared for a variety of reasons, the most significant of which is the lack of financial resources, " ani Vicenzo Bollettino ng HHI.
Walo sa bawat 10 Pilipino ang nagsabi na wala rin silang tinatawag na "go bag" o iyong bag na nakahanda parati at dadalhin sakaling kailangang lumikas.
Nagpaalala ang mga eksperto na pag-usapan dapat ng pamilya kung ano ang gagawin at saan pupunta sakaling tumama ang emergency.
Maghanda rin ng go-bag o balde na may laman na pang-ilaw, pito para mag-signal ng tulong, first aid kit, pagkain, tubig, pera at mahahalagang dokumento na nakasilid sa isang hindi nababasang lalagyan. -- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, kaligtasan, survey, disaster preparedness, sakuna, Harvard Humanitarian Initiative, TV Patrol, TV Patrol Top, Jeff Canoy