Mga apektado ng 'Rolly' na nasa evacuation centers pa rin dinalhan ng tulong | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga apektado ng 'Rolly' na nasa evacuation centers pa rin dinalhan ng tulong

Mga apektado ng 'Rolly' na nasa evacuation centers pa rin dinalhan ng tulong

ABS-CBN News

Clipboard

Nagdala ng tulong ang ABS-CBN sa mga pamilyang nananatili pa rin sa evacuation center sa Guinobatan, Albay dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly, 3 buwan na ang nakalilipas. ABS-CBN News

Tatlong buwan nang naninirahan sa isang classroom ang pamilya ni Florivic Baldoza, residente ng Guinobatan, Albay na lumikas mula sa kanilang bahay sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Rolly noong Nobyembre.

Modular tent ang nagsisilbing kuwarto nina Baldoza habang mesa ng teacher naman ang kusina at mistulang cabinet ang mga arm chair ng mga estudyante.

"Nahiya kami sa principal, kasi nga di ba, 'yong babayaran sa kuryente, 'yong tubig namin," ani Baldoza. "Minsan sinasabihan kami kailangan magtipid, kailangan namin gawin."

Higit 100 pamilya ang nakatira ngayon sa Marcial O. Rañola Memorial School, isa sa 3 paaralang kumukupkop ng mga evacuee sa Guinobatan.

ADVERTISEMENT

Kaniya-kaniyang diskarte ang mga evacuee kung paano magkakasya sa lugar.

Nakapagsimula naman ng tindahan ang evacuee na si Rosemarie Rodriguez, kung saan sa grill ng bintana ng classroom naka-display ang kaniyang paninda.

Ayon kay Rodriguez, mahirap umasa sa relief goods na dumalang na ang dating.

"Sarili talagang sikap para makaraos sa pang-araw-araw," ani Rodriguez.

"Noong nabigyan kami ng konting tulong dito sa bagyo, ipinuhunan ko ulit para may pang-ano kami sa araw-araw," kuwento niya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Wala nang bahay na babalikan sina Baldoza at Rodriguez dahil natabunan na ang mga ito ng malalaking bato at lahar na umagos mula sa anila'y kalapit na quarry noong bagyo.

Patuloy naman ang local government unit sa pagpapatayo ng mga bahay na malilipatan ng mga evacuee, pero aminado silang hirap silang tugunan ang lahat ng pangangailangan dahil sa kakulangan ng pondo.

"Most probably ang turnover first week of July, that's 100 units po," ani Guinobatan Mayor Ann Ongjoco.

Dala naman ng Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation ang relief goods para sa 3 evacuation center ng Guinobatan.

"Kahit paano mayroon na naman kaming kape na matitimpla at mapaghahatian ng pamilya ko saka 'yong kasama ko sa room," ani Baldoza.

"Grabeng pasalamat namin sa mga partners gaya sa inyo po ngayon na, though matagal nang nag-ano pagkatapos ng Rolly pero still nandito kayo," ani Ongjoco.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.