3 mangingisdang 4 na araw palutang-lutang sa dagat, nailigtas sa Puerto Princesa

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 10:42 PM | Updated as of Sep 20 2018 04:27 PM

Nailigtas sa Puerto Princesa ang tatlong mag-aama na apat na araw palutang-lutang sa dagat. Cherry Camacho, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Tatlong mangingisdang apat na araw na palutang-lutang sa dagat ang nailigtas sa Sitio Tagbarungis, Barangay Inagawan, Puerto Princesa City, Palawan nitong Biyernes.

Mag-aama ang mga ito na kinilalang sina Jissie Acosta, 54, Archie Acosta, 16, at Michael Acosta, 20.

Lunes nang tumungo sila sa Dumaran, Palawan para bumili ng kagamitan. Pabalik na sana sila sa bayan ng Cuyo nang bigla umanong lumakas ang hangin at alon.

Wala umano silang makitang kahit anong isla o bangka sa kanilang paligid.

Tanging tubig lamang ang ginawang panlaman-sikmura ng mga ito. Wala umano silang nagawa kundi ang ibalanse ang sarili sa bangka upang hindi ito lumubog.

"Noong una may pag-asa pa, pero nung dalawang araw na kami sa dagat parang katapusan na namin, pero sabi ni kuya (Michael) kapit lang kami sa bangka," ani Archie.

Samantala, agad na nilapatan ng paunang lunas ang padre de pamilya dahil sa pagtaas ng blood pressure nito.

Nasa kustodiya ngayon ng bantay dagat ang bangka ng mga ito habang mananatili muna ang mag-aama sa kanilang kaanak sa Puerto Princesa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.