ALAMIN: Saan bawal magpaskil ng mga campaign poster? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Saan bawal magpaskil ng mga campaign poster?

ALAMIN: Saan bawal magpaskil ng mga campaign poster?

ABS-CBN News

 | 

Updated Feb 12, 2019 02:07 PM PHT

Clipboard

Umarangkada na ngayong Martes ang campaign period o panahon ng pangangampanya para sa national candidates na sasabak sa halalan sa Mayo 13, 2019.

Sa bisperas ng campaign period para sa mga tatakbo sa mga pagkasenador at party-list nitong Pebrero 11, ipinaalala ni Atty. Noel Del Prado sa "Usapang de Campanilla" na may mga lugar na maaari at hindi maaaring kabitan ng mga paraphernalia gaya ng mga streamer o poster tuwing campaign period.

Alinsunod ito sa Republic Act No. 9006 o "Fair Elections Act" kung saan nakalahad ang mga pamantayan para sa tama at di tamang sukat at lugar na pagkakabitan ng mga election paraphernalia.

Ayon kay Del Prado, ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga streamer o poster sa mga pampublikong sasakyan gaya ng mga bus, jeep, o kaya mga tren, maging sa mga mga parke, tulay, at gusali na pagmamay-ari ng gobyerno - lokal man o national.

ADVERTISEMENT

Maaari lamang daw magkabit ng mga campaign poster sa mga pribadong lugar o gusali kung may pahintulot may-ari, at dapat hindi lalagpas sa sukat na 3 x 8 talampakan ang mga gagamiting streamers.

"Sa eskuwelahan, barangay halls, lahat ng tren na pagmamay-ari ng gobyerno, lahat 'yan bawal. Dito pagbabawalan din na ikabit [ang mga campaign paraphernalia] sa mga pribadong lugar nang walang pahintulot ng pagmamay-ari," ani Del Prado.

Maaari namang ikabit ang mga paraphernalia sa lugar kung saan may mga election rally 5 araw bago ang pagtitipon at kailangang tanggalin 24 oras pagkatapos ng pagtitipon.

Sapagkat maituturing na election offense ang ilegal na pangangampanya, paparusahan ang mga lalabag alinsunod sa Omnibus Election Code, kung saan maaaring makulong, ma-diskuwalipika, at matanggal ang "right to suffrage" o karapatan na bumoto ng mahahatulang lumabag sa batas.

Magtatagal mula Pebrero 12 hanggang Mayo 11 ang campaign period para sa mga tatakbo sa pagkasenador at party-list representative.

Magtatagal naman mula Marso 29 hanggang Mayo 11 ang campaign period para sa mga tatakbo sa Kamara at mga lokal na posisyon.

Hinimok ng Comelec ang publiko na isumbong sa kanila o kaya'y ipadaan sa social media nito ang mga reklamo sa naglipanang campaign materials na hindi sumusunod sa sukat at nakakabit sa maling lugar.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.