2 menor de edad, natagpuang tadtad ng saksak sa Tondo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2021 02:21 AM | Updated as of Feb 10 2021 06:57 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagdadalamhati ang pamilya ng dalawang binatilyo na natagpuang patay sa baybayin ng Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.

Kinilala silang sina Carl Justine Bonogon at Chormel Buenaflor, parehong 15 anyos.

Ayon sa mga kaanak, January 31 pa nila huling nakita ang dalawa.

Dalawang araw rin nilang hinanap ang magkaibigan bago sila matagpuan sa dagat.

Naunang natagpuan ang bangkay ni Bonogon ng isang mag-uuling noong February 2 ayon sa Delpan Police Station.

Hindi siya agad nakilala ng kanyang lola dahil sa mga sugat sa mukha at katawan.

Bangkay naman ni Buenaflor ang nakitang lumulutang nang sumunod na araw.

Balot ng packaging tape ang ulo, kamay at paa ng mga biktima.

Tadtad din ng saksak ang kanilang mga katawan.

Walang maisip ang mga pamilya na posibleng gumawa ng karumal-dumal na pagpatay sa dalawang binatilyo.

Pareho silang out-of-school youth at malapit sa kanilang pamilya kaya hustisya ang panawagan ng mga naiwang kaanak.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ng dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.