3 bahay, natupok ng sunog sa Dagupan City

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 05:36 PM

DAGUPAN CITY—Tatlong bahay sa loob ng isang compound ang natupok ng apoy Sabado ng umaga sa Pangasinan.

Pasado alas-10 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa 3 bahay na pagmamay-ari ng pamilya Pacheco sa Bahala compound, Barangay Poblacion Oeste sa lungsod na ito.

Nagsimula umano ang sunog sa bahay ni Jennifer Javier. Naglaro umano ang 4 na taong gulang niyang pamangkin ng posporo at unang nasunog ang kutson ng kanilang kama.

Kumalat ang apoy dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay.

Nagkataon namang wala sa bahay si Javier at nagtungo sa grocery para bumili ng panghanda sa kaarawan ng kaniyang pamangkin.

Walang naisalbang gamit at damit ang mga nasunugan kaya humihingi sila ng tulong sa city government ng Dagupan.

Wala namang nasaktan sa sunog na umabot sa second alarm.

Inaalam pa ng awtoridad ang kabuuang danyos ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.