Magkapatid na bata nalunod sa Dapitan River

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 05:35 PM

Kasama umano ng magkapatid ang kanilang mga pinsan nang maligo sa ilog na ito. Dynah Diestro, ABS-CBN News

DAPITAN CITY – Patay ang magkapatid na bata matapos malunod sa Dapitan River, Miyerkoles ng hapon. 

Kasama umano ng magkapatid na sina Julie Mie Elumbra, 4, at Lynel Elumbra Jr., 6, ang kanilang mga batang pinsan nang maligo sa ilog.

Ayon sa nakakitang barangay tanod na si Ramil Gumatao, nakalutang na sa ilog si Julie Mie nang kaniyang makita at ‘di inakala na anak pala ito ng kaniyang kasamahan. 

“Nakadapa kasi ‘yong pagkakalutang no’ng bata kaya ‘di ko agad nakilala. Siya lang ‘yong nakita ko kasi ‘yong isa sumabit naman sa isang niyog na nakadungaw sa ilog,” sabi ni Gumatao.

Hindi naman inakala ng inang si Jivy Elumbra na ito ang kahihinatnan ng dalawang anak dahil nagpaalam pa ang kanilang anak na babae na uuwi sa bahay para matulog dahil napagod na sa paglalaro sa kanilang sakahan. 

Takot umano ang kanilang mga anak na pumunta sa ilog maliban kung may mga kasama ang mga ito. 

“Nagtatabo pa nga sila kung maligo sa ilog na kasama kami kasi takot sila na baka malunod. Napakasakit, dalawa sa mga anak ko ang nawala,” ayon sa ina.

Sinubukan pa ng kaniyang asawang isalba ang kanilang babaeng anak nang mahawakang may pulso pa ito pero binawian din ng buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.