Pagkamatay ng ilang isda sa ilog sa Zamboanga, ikinabahala

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 03:25 PM | Updated as of Aug 28 2018 02:55 PM

Nababahala ngayon ang ilang residente sa Barangay Pamucutan, Zamboanga City sa pagkamatay ng ilang isda sa kanilang ilog.

Ayon kay Susan Atilano, kagawad ng barangay, Martes pa nang magsimula ang fish kill sa kanilang ilog matapos ang malakas na ulan.

Sinisisi ngayon ni Atilano at ilan pang mga barangay officials ang operasyon ng ilang poultry farm sa kanilang lugar.

Sa ilog umano itinatapon ng ilang poultry farm ang kanilang waste material na posibleng naging sanhi ng fish kill.

Nangangamba rin ang ilang residente dahil apektado ang kanilang mga alagang hayop.

Ang ilang alagang manok na kumain ng patay na isda sa ilog ay namatay din matapos ang ilang oras.

Ayon kay Dr. Dulce Amor Miravite, officer-in-charge ng Zamboanga City Health Office, iimbestigahan nila ang pagkamatay ng mga isda sa ilog ng Pamucutan.

Isang pagsusuri din ang gagawin sa water quality ng ilog.

Hindi pa matiyak ni Miravite kung ano ang sanhi ng fish kill dahil marami ang puwedeng dahilan nito tulad ng pagtapon ng waste material sa ilog.

Noong Enero, isang poultry farm ang ininspeksyon ng City Health Office sa barangay kasunod ng reklamo ng ilang residente.

Lumabas sa inspection report na lumabag ang poultry farm sa environmental sanitation regulations dahil sa hindi tamang pagtatapon ng kanilang waste material.

Dapat daw kasi ay dumadaan muna sa isang treatment facility ang kanilang waste material bago ito itapon.

Magkakaroon din ng parallel investigation ang local environment and natural resources office kasama ang Environmental Management Bureau para matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng ilang isda sa ilog.

Inabisuhan naman ni Miravite ang mga residente na umiwas munang maligo o uminom ng tubig mula sa ilog habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.