'Kahit grocery, bigas na lang': Gov't health workers nagmamakaawa ng allowance | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Kahit grocery, bigas na lang': Gov't health workers nagmamakaawa ng allowance

'Kahit grocery, bigas na lang': Gov't health workers nagmamakaawa ng allowance

ABS-CBN News

 | 

Updated Feb 05, 2021 12:09 AM PHT

Clipboard

Wala pang tulog at kain ang ilan, pero lumabas sa kalsada nitong Huwebes ang health workers ng National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, at Lung Center of the Philippines para iprotesta ang pagkaantala ng kanilang allowance. Screengrab, ABS-CBN News footage

MAYNILA – Nagprotesta nitong Huwebes ang ilang health workers mula sa 3 government hospitals dahil sa pagkaantala umano ng kanilang mga allowance.

Payag na sila kahit idaan ito sa gift check, vouchers, o grocery items, imbes na cash, basta’t maibibigay agad-agad.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Wala pang tulog at kain ang ilan, pero lumabas sa kalsada ang health workers ng National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, at Lung Center of the Philippines.

Ilang buwan na raw kasing atrasado ang kanilang allowance.

ADVERTISEMENT

Ang nursing attendant na si Eva de Guzman, 33 taon na sa serbisyo, pero masama ang loob dahil tila nagmamakaawa pa siya para sa allowance.

"Bulacan ako umuuwi, may trapik, walang biyahe... Hindi kami uma-absent, walang undertime, recall, pasok... Hangga’t may pasyente, serbisyo. Kaya 'yung para sa amin dapat ipagkaloob, 'wag ipagdamot," hinaing niya.

Sa administrative order ng Department of Health, inaatasan ang mga pasilidad, pribado man o pampubliko, na bigyan ang mga health worker ng accommodation, transportation, at pagkain.

Sa Bayanihan 2 law galing ang budget kaya saklaw nito ang mga buwan mula Setyembre hanggang Disyembre 2020.

Nasa P2,200 ang rate o budget kada health worker na nasa NCR, Calabarzon at Mimaropa, habang P1,500 hanggang P1,800 naman sa iba pang rehiyon.

Pero ayon sa mga health worker, hindi nila napakinabangan ito dahil may mga ospital na Disyembre 29 na umano nabigyan ng pondo.

Kaya pagmamakaawa ng ilan, kahit bigas at iba pang grocery items ay tatanggapin na nila maibigay lang ano kanilang nararapat na benepisyo.

"Ang gusto namin sanang mangyari, 'yung accommodation, 'yung transpo, at 'yung meal allowance na 'yan ay convert na lang. Kung ayaw nila ibigay nang cash, i-convert na lang sa bigas at grocery para makatulong naman sa amin na health workers," giit ni Bonifacio Carmona, national officer ng Alliance for Health Workers.

Nilinaw naman ng DOH, hindi binawi sa mga ospital ang pondo kaya nakaatang pa rin sa ospital ang pagbibigay ng pagkain, accommodation at transportation.

Pero dahil hindi rin nakasaad sa guidelines ng DOH na isa itong uri ng allowance, hindi commutable o puwedeng gawing cash o vouchers ang budget na ibinigay kada health worker.

Paalala naman ng DOH sa mga ospital, magsumite ng liquidation report para masigurong nagamit sa tama ang pondo.

"The budget for meals, transpo and accommodation are still with NKTI, PHC, and LCP... The benefits are non-commutable to cash or vouchers as stated in the guidelines... The hospitals will do the payout on the budget given and provide a liquidation report to central DOH office," sabi ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega.

Samantala, sinabi naman ni Asec. Romeo Ong ng DOH Office of the Chief of Staff, na nai-turnover na nila sa mga ospital ang mga benepisyo na nakalaan sa mga health worker noon pang Disyembre.

"December pa nandoon na po sa kanila... I think sinabi na rin ni Usec. Vega (sa mga ospital), nandiyan na sa inyo ang pera, nand'yan na ang guidelines," ani Ong sa panayam sa programang "SRO" sa TeleRadyo nitong Huwebes.

Nagtataka si Ong kung bakit hindi pa naipaparating sa mga health worker ang benepisyong nakalaan.

"We do not know kung bakit. Nandiyan po ang guidelines natin for the provisions, for example, for the provision of accommodation. Transportation were given as early as November 25. Iyong staff allotment for the hospitals were downloaded as early as December 7, 2020," pahayag Ong.

Dagdag pa niya na aabot sa P2.1 bilyon ang halaga ng pondo at benepisyong dinownload nila sa iba't ibang ospital sa buong kapuluan.

Sinabi pa niya na wala namang ganitong problema sa mga regional hospital.

"The complaint that we heard kaninang umaga, the hospitals sa Metro Manila, especially Lung Center, NKTI, Philippine Heart. Mga speciality hospitals under the DOH," sabi ni Ong.

Nakatakda na raw makipagpulong sa Biyernes ang opisina ni Usec. Vega sa mga healthworker na nagprotesta. –Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.