Mga pasahero at sekyu sa LRT, naka-face mask kontra coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 11:47 AM

MAYNILA - Marami sa mga pasahero ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 ang nakasuot ng face mask bilang proteksiyon sa gitna ng pangamba sa pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).

Saglit na ipinatatanggal ang face mask para makita ang mga mukha ng pasahero na parte ng seguridad sa LRT. 

Ayon kay Jacqueline Gorospe, corporate communications head ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ito ay kailangan at bahagi ng safety and security protocol ng LRT.

Maging ang mga guwardiya ng LRT ay nakasuot na rin ng face mask. May mga abiso na rin sa mga booth nito sa tamang pag-iingat kontra sa bagong coronavirus.

May mga ipinuwesto na ring bote ng alchohol sa mga ticketing booth ng LRT, pero dahil sa dami ng siniserbisyuhan nito araw-araw, mabilis itong maubos.

Ayon kay Leo Magpayo, supervisor sa LRT Tayuman Station, regular na may dumadating silang supply nito para magdala ng alcohol. - Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News