PatrolPH

Ilang sugatan sa pagsabog sa Maynila problemado sa pambili ng gamot, hanapbuhay

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2023 07:57 PM

Watch more News on iWantTFC

Problemado ngayon ang ilang mga nasugatan sa pagsabog sa laundry shop sa Malate, Maynila kung saan sila kukuha ng pambili ng gamot, lalo't hindi pa sila makapaghanapbuhay ulit.

Kahit nakalabas na ng ospital, idinadaing pa rin ni Cosme Villaflor ang tinamong sugat sa mukha at iba pang bahagi ng katawan.

Isa siya sa mga nasugatan at isinugod sa ospital kasunod ng pagsabog noong gabi ng Lunes, kaya may panawagan siya sa may-ari ng laundry shop.

"Sa ngayon hindi ako makapag-parking kasi parking attendant ako, eh may nararamdaman pa ako... Ayun lang panawagan na sana mabigyan nila ako ng kaunting tulong lang," ani Villaflor. 

Kahit natatakot pa, sinusubukan naman ni Gigi Panda na ibalik sa normal at ipagpatuloy ang kaniyang pagtitinda ng pagkain sa tabi ng gusali kung saan naganap ang pagsabog, lalo't 8 ang kaniyang anak.

Isa siya sa mga nakatakbo agad palayo nang mangyari ang pagsabog pero nasugatan at naospital ang kaniyang 20 anyos na anak na lalaki.

"Nadala sa ospital kasi 'yong paa nga malaki ang sugat... Pero pinauwi din siya," ani Panda.

Plano na rin magpasaklolo ng mga tauhan ng Barangay 708, kung saan nangyari ang pagsabog, sa lokal na pamahalaan ng Maynila at iba pang ahensiya.

"Aalamin ko kung saan ako puwede ahensiya puwede humingi ng tulong," ani barangay chairperson Rhoderick Relibo.

Kritikal pa rin ang lagay ng 4 na mga biktimang isinugod sa Philippine General Hospital.

Sa 9 na pasyenteng dinala sa Adventist Medical Center, isa na lang ang naka-confine at nagpapagaling na, habang nakalabas na ang lahat ng dinala sa Ospital ng Maynila.

Patuloy na iniimbestigahan ng Manila Fire District ang insidente at iginiit na paiigtingin pa ang pag-iinspeksiyon sa mga business establishment sa lungsod.

Nagpaalala ang Manila Fire District sa mga establisimyento na tiyaking may fire safety inspection certificate at sumunod sa Fire Code of the Philippines para matiyak ang kaligtasan ng lahat.

— Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.