Fish cages sa Sual, binawasan kontra fish kill

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 10:22 PM

SUAL, Pangasinan - Ipinag-utos ng mga awtoridad ang pagbabawas ng mga fish cages sa Sual, Pangasinan para maiwasan ang pagkamatay ng mga isda at gumanda ang kalidad ng tubig.

Sa isinagawang buwanang water quality monitoring ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, lumalabas na nasa normal level ang dissolved oxygen at ammonium nitrogen, indikasyon na hindi polluted ang tubig.

Ayon sa Municipal Agriculturist ng Sual, mahigpit na binabantayan ang bilang ng mga bangus sa mga fish cage at hindi dapat lalampas sa 30,000.

Mahigpit ring ipinagbabawal ang paggamit ng fish pens at tanging mga fish cage operator lang na may permit ang pinapayagang magparami ng bangus.

"Dapat may tamang sukat lang 'yung fish cage at tama ang distansiya sa bawat fish cage," paliwanag ni Florencia Guanzon, agriculturist ng Sual.

Nitong Huewebes, binawasan ng 100 ang mahigit 800 cages sa Sual.

Aabot sa 32 porsyento ng bangus na dinadala sa Maynila ang nanggagaling sa Sual.

Samantala, problema ngayon ng mga bangus grower ang malamig na panahon na nakakaapekto sa paglaki ng bangus.

Ayon sa PAGASA, nasa 23 degrees Celsius ang naitalang pinakamababang temperatura ngayong Huwebes.

Sa kabila nito, siniguro naman ng agriculture office na sapat pa rin ang suplay ng bangus na dinadala sa Maynila at mga karatig-lalawigan na nasa 60 tonelada kada araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.