PH naitala ang unang kaso ng bagong coronavirus | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

PH naitala ang unang kaso ng bagong coronavirus

PH naitala ang unang kaso ng bagong coronavirus

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 30, 2020 07:27 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Nakumpirma ng Pilipinas ang pinakaunang kaso nito ng bagong uri ng coronavirus sa isang babaeng Chinese galing Wuhan, ang lungsod sa China na pinagmulan ng sakit, sabi ngayong Huwebes ni Health Secretary Francisco Duque III.

Dumating nitong Huwebes ang lab test results galing Australia na nagpakitang positibo sa 2019 novel coronavirus ang isang 38 anyos na Chinese na dumating sa bansa noong Enero 21, ayon kay Duque.

Galing Wuhan ang pasyente at dumating sa Pilipinas mula Hong Kong, ani Duque. Na-admit umano siya sa hindi tinukoy na government hospital matapos magreklamo ng ubo.

Asymptomatic na umano ang nasabing pasyente sa ngayon, o wala nang ipinapakitang sintomas ng virus, ayon kay Duque.

ADVERTISEMENT

Ayon naman kay Chito Avelino, direktor ng DOH Epidemiology Bureau, nagsasagawa na sila ng contact-tracing o paghahanap sa mga taong nalantad sa pasyente.

Bumiyahe rin umano sa Cebu at Dumaguate ang pasyente.

Tiniyak naman ni Duque sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

May mga hakbang din ang Department of Health (DOH) para maprotektahan ang mga tauhan ng ospital kung saan naka-admit ang pasyente, ayon kay Duque.

"The DOH, however, continues to guarantee the public that all necessary precautionary measures are being taken to halt spread of the virus," aniya.

"We are working closely with the hospital where the patient is admitted... We are also implementing measures to protect the health staff providing care to this patient," dagdag ng kalihim.

Tiniyak din ni Duque na handa ang health facilities sa bansa para tugunan ang virus.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa hiwalay na panayam ng "TV Patrol," sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na walang dapat ipangamba ang publiko lalo at naka-isolate o hiwalay ang pasyenteng nagpositibo sa virus maging ang mga person under investigation.

"Sisiguraduhin muna nating negative siya sa virus bago po natin i-discharge at pauwiin," ani Domingo ukol sa nagpositibong babae.

"Naka-isolate po silang lahat kaya hindi naman tayo matatakot na nakahalubilo sila sa publiko dahil minamanmanan talaga natin sila at hindi sila nakalabas sa ngayon," dagdag niya.

Sa ngayon, 29 tao ang itinuturing na patients under investigation o inoobserbahan ng DOH para sa novel coronavirus. Sila ay nasa Metro Manila, Mimaropa, Central Visayas, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Davao region.

Bago nito, isang patient under investigation ang pumanaw sa San Lazaro Hospital sa Maynila dahil sa pulmonya. Hindi pa tiyak kung mayroon siyang novel coronavirus.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naghanda na ang San Lazaro Hospital ng isolation unit sakaling magkaroon doon ng pasyenteng positibo sa novel coronavirus.

Ayon pa kay Duque, irerekomenda raw niya ang isang temporary travel ban papunta at galing sa Hubei province ng China, na nakakasakop sa Wuhan.

Ipinayo ni Duque sa publiko na manatiling kalmado at patuloy na mag-practice ng proper hygiene o kalinisan sa katawan para makaiwas sa sakit.

Kabilang sa mga sintomas ng novel coronavirus ay lagnat, ubo, at kahirapan sa paghinga, ayon sa World Health Organization.

Sa Biyernes nakatakdang magpulong ang isang task group na tumututok sa bagong coronavirus para pag-usapan ang unang kaso, ayon kay Duque. Binubuo ang task group ng mga kinatawan mula sa iba-ibang executive department.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Bureau of Quarantine sa mga port sa bansa.

CHARTER FLIGHTS SA CHINA, TIGIL MUNA

Pansamantala na ring itinigil ng mga pangunahing airline sa bansa ang mga charter flight sa iba-ibang bahagi ng Mainland China bilang pag-iingat sa banta ng coronavirus.

Itinigil na muna ng Philippine Airlines ang China charter flights sa pagitan ng Kalibo, Aklan at Nanjing, Hangzhou, at Shanghai sa China.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pero tuloy ang regular commercial flights sa Manila at Beijing, Shanghai, Guangzhou, Jinjiang, Xiamen, Hong Kong at Macau.

Ipinatigil din ng Cebu Pacific ang flights sa pagitan ng Kalibo at Beijing. Tuloy naman ang regular flights sa Beijing, Shanghai, Guangzhou, Xiamen, Shenzen, Hong Kong, at Macau.

Ang coronavirus galing Wuhan, China ang pinakabagong uri ng coronavirus, isang pamilya ng mga virus na kinabibilangan din ng Severe acute respiratory syndrome coronavirus (SARS-CoV) at Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV).

Umabot na sa 8,000 tao ang nahawahan ng novel coronavirus. Nasa 170 naman na nahawahan ng virus ang namatay na.

Bukod sa China at Pilipinas, kumalat na ang virus sa ibang mga bansa sa Asya, North America, at Europe.

-- May ulat nina Raphael Bosano, Jacque Manabat, at Bianca Dava, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.