PatrolPH

Ilang menor de edad sa Cebu, nahikayat na sumali sa mga gang

Rc Dalaguit-de Vela, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 06:10 PM | Updated as of Jan 30 2018 09:48 PM

CEBU CITY - Apat na mag-aaral na nasa elementarya ang idinulog ng kani-kanilang mga magulang sa barangay matapos makita na may mga paso ito ng sigarilyo at iba pang sugat sa ilang bahagi ng katawan.

Ayon sa isa sa mga bata, nakuha nila ang mga sugat matapos sila sumailalim sa isang hazing upang maging ganap na miyembro ng isang gang dito sa lungsod.

Ayon sa 11-anyos na bata, pinalo siya at 8 iba pang menor de edad ng paddle at pinaso ng sigarilyo ng mga miyembro ng gang.

Dagdag ng bata, ang kaniyang 16-taong gulang na kapitbahay ang nag-recruit sa kaniya upang sumali sa grupo.

Isinailalim na ang mga bata sa counseling habang pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang mga magulang na bantayang mabuti ang mga aktibidad ng kanilang mga anak.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mas mahigpit nang ipatutupad ang curfew sa lungsod para sa mga menor de edad.

Matatandaang kumilos na ang Kongreso upang palakasin ang batas laban sa hazing matapos ang pagkamatay ng law freshman na si Horacio Castillo III sa initiation rites ng Aegis Jvris fraternity noong Setyembre 2017. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.