MAYNILA — Tatlong magkakasunod na bomb threat na umano ang na-monitor ng Quezon City Police District (QCPD) simula nitong Miyerkoles: sa New Era Elementary School, San Francisco High School sa Barangay Sto. Cristo, at ang pinakahuli nitong Huwebes sa Ponciano Bernardo High School sa Cubao.
Ngayong Biyernes, inanunsyo ng QCPD na "case solved" na ang huling insidente sa Cubao matapos ang follow-up operation ng mga pulis kung saan na-trace nila ang may-ari ng account na ginamit sa pag-post ng bomb threat sa Facebook account ng eskuwelahan.
Matatandaang alas-4 pa lang ng madaling-araw nitong Huwebes nang may nag-post ng mensaheng "May tinanim ako na bomba sa elementary, sama -sama tayong mauubos" sa mismong Facebook account ng eskuwelahan.
Rumesponde ang Explosive Ordnance Division (EOD) ng QCPD sa paaralan at 2 oras nag-search ang bomb squad.
Nagdulot ito ng panic sa mga magulang kaya't agad sinundo ang kanilang mga anak.
Pero walang nakitang bomba at hoax lang umano ang nasabing threat, ayon sa mga pulis.
Sa imbestigasyon ng cybercrime division, na-trace ang may-ari ng ginamit na account.
Napag-alamang Grade 8 student ito ng Alternative Learning System (ALS) ng Ponciano Bernardo Elementary School.
Pero giit ng estudyante, wala siyang kinalaman sa bomb threat. Nakigamit lang umano ng account niya ang 22-anyos na kaibigan.
Naaresto ito at kinasuhan ng paglabag sa P.D. 1727 o anti bomb joke law in relation to Section 6 ng R.A. 10175 sa Anti-Cybercrime Law at robbery extortion dahil nanghihingi rin umano ng pera ang suspek.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.