UST kinondena sa non-readmission ng aktibistang estudyante | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

UST kinondena sa non-readmission ng aktibistang estudyante

UST kinondena sa non-readmission ng aktibistang estudyante

Michael Delizo,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA — Nanindigan ang mga aktibistang estudyante ng University of Santo Tomas (UST) sa kanilang karapatang magpahayag ng saloobin sa pamamagitan ng pagsali sa mga progresibong grupo.

Ito ay matapos umanong parusahan ng non-readmission ng UST-Senior High School ang isang Grade 12 student dahil umano sa pagsali sa grupong Anakbayan, isa sa mga militanteng organisasyon na hindi kinikilala sa unibersidad.

Sa non-readmission, nangangahulugang hindi na maaaring mag-enroll ang estudyanteng si Datu Zaldy “Shoti” Ampatuan sa susunod na academic year.

Ayon kay Ampatuan, nakatanggap siya ng show-cause notice noong Disyembre 4, 2020 matapos niyang ihayag sa Facebook ang pagiging miyembro ng Anakbayan UST-SHS.

ADVERTISEMENT

“It was truly heartbreaking and I felt as if the future which lies ahead of me is now uncertain, I felt really hopeless. And right now, I’m really trying my best to recover…it has been agonizing po,” ani Ampatuan, na gusto pa sana raw magpatuloy ng kolehiyo sa UST.

Nababahala rin si Ampatuan na baka hindi na siya makapasok sa ibang eskuwelahan dahil hindi umano siya bibigyan ng certificate of good moral character ng UST.

Iginiit naman ni Ruth Dizon ng UST-SHS Student Council na mas mataas pa rin ang umiiral na 1987 Constitution, kung saan kinikilala ang karapatan sa paglahok sa mga organisasyon na payapang nagsusulong ng iba’t ibang interes.

“While it is understandable na we need to abide by the existing guidelines and policies as much as possible, it is to take note that the 1987 Constitution of the Philippines is and will remain the highest form of constitution by nature and that’s why they must never take away the freedom that we exercise for our own integrity and for our social responsibilities by speaking out,” ani Dizon.

Sa student handbook at enrollment conforme ng UST, kinikilala ang mga organisasyong nagsusulong ng mission at vision ng uniberisad, at doon lang puwedeng lumahok ang mga estudyante.

Hindi rin pinapayagan ng unibersidad ang mga ilegal na strike o rally at pagsasagawa ng boycott, parada o marsta at iba pang uri ng pagtitipon na gagawa ng ingay o gambala.

Bukod kay Ampatuan, 2 pa umanong estudyante ang kamakailan ay nakatanggap din ng show-cause memo dahil sa pagsali sa mga organisasyong hindi kinikilala ng pamantasan.

Ayon sa iba pang mga estudyante, mapanupil at hindi maka-Diyos ang umano’y represyon ng pamunuan ng unibersidad.

“Hindi ba namin kayang mag-isip? Wala ba kaming dangal o isip para makapagsalita ng walang takot sa persukusyon? ... Ang isang aktibista, kaya niyong maliitin at tapakan. Pero ano'ng ginagawa niyo sa mga graduate niyong gahaman at korap? Tahimik lang?” ani Nick Aguilar, vice president ng Kabataan Party-list-SHS.

“Was this not what Jesus taught us to do? To love our neighbors, to do as headed, to help the needy and the poor? This is what organizations do. This is what UST wants to punish,” ani Jeric Mataga ng UST Institute of Information and Computing Sciences Student Council. “Much like Pontius Pilate, UST gave these students an unfair trial.”

Wala pa umanong dayalogo sa ngayon sa pagitan ng mga aktibista at pamunuan ng UST, pero susubukan umano ng mga lider ng mga grupo na makipag-ugnayan para baliktarin ang parusa sa mga miyembro nito at ibasura ang polisya na kontra umano sa student activism.

May mga abogado rin umano sila para tiyakin ang proteksyon sa batas ng mga miyembro nito.

“Walang mali sa ginagawa ng mga kasapi ng Anakbyan at sa lahat ng aming balangay,” ani Vinz Simon, secretary-general ng Anakbayan.

“Napakabigat po ng ginawa niyong represyon sa mga estudyante at mga kasapi ng Anakbayan,” dagdag ni Simon.

Sinusubukan ng ABS-CBN News na kunin ang panig ng UST sa isyu.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.