PatrolPH

Babae patay sa pamamaril sa Parañaque

Karen de Guzman, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2023 01:31 PM

MAYNILA — Patay ang isang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Parañaque City gabi ng Linggo, ayon sa pulisya.

Duguan at nakahandusay na umano sa kalsada nang matagpuan ang 35 anyos na biktima sa may Barangay Baclaran.

Nakitaan umano ang biktimang kinilalang si Manilyn Guinto ng tama ng bala sa ulo.

Base sa pahayag ng mga kaanak ng biktima sa pulisya, binaril ang biktima habang pauwi ng bahay matapos dalawin ang nakakulong niyang kinakasama.

Bandang alas-6 ng gabi naman nang huli umano siyang makita ng kaibigan.

Narekober sa crime scene ang 2 basyo ng kalibre .45 na sinasabing ginamit sa pamamaril.

Inaalam pa ng Parañaque police kung may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen matapos mapag-alamang nakulong ang kinakasama ng biktima dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.