Hinuling lolo dahil sa umano'y pagnanakaw ng mangga, pansamantalang pinalaya | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Hinuling lolo dahil sa umano'y pagnanakaw ng mangga, pansamantalang pinalaya

Hinuling lolo dahil sa umano'y pagnanakaw ng mangga, pansamantalang pinalaya

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pansamantalang pinalaya ngayong Huwebes ang isang 80 anyos na lalaki sa Asingan, Pangasinan matapos makulong nang isang linggo dahil sa umano'y pagnanakaw ng mangga.

Isang release order ang inilabas ng lokal na korte sa Asingan para kay Nardo Flores matapos makapagpiyansa ng halagang P6,000.

Noong Enero 13, sinilbihan ng warrant of arrest sa kasong pagnanakaw si Flores matapos siyang ireklamo dahil sa pagpitas umano ng 12 kilo ng mangga para maibenta, dagdag-kabuhayan niya umano ngayong panahon ng pandemya.

Batay sa salaysay naman ng complainant sa pulisya, 10 kaing o katumbas ng halos 200 kilo ang ninakaw umano ng lolo.

ADVERTISEMENT

"Ang pangyayari po ng kasing iyan ay naganap noong April 25, 2021. Nagkaroon po sila ng mediation, confrontation sa barangay. Hindi sila nagkasundo dahil iyong complainant, ang sinisingil niya ay P10,000. Allegedly ang kinuha lang naman ni tatay, na pinitas niya, ay worth P600 na mangga," sabi ni Police Lt. Charisse Lalas ng Asingan police.

"Batay din sa salaysay ni tatay, siya ang nagtanim ng mangga tapos siya rin ang magpipitas. Nung nangunguha ng mangga, allegedly iyong may-ari ay binakuran niya bigla ang mangga," dagdag niya.

Hindi na umano nakapaghain ng counter-affidavit si Flores nang sampahan ng pormal na reklamo. At nang makitaan ng probable cause ng korte, pinaaresto na ito.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang bahay ng complainant, pero walang sumasagot sa tawag.

Matapos mag-viral sa social media ang kuwento ni Flores, bumuhos ang tulong para sa kaniya.

ADVERTISEMENT

Mismong mga taga-Asingan police ang nag-ambagan para makatulong sa pagbuo ng P6,000 pampiyansa.

Ayon kay Lalas, batay sa kanilang pag-uusap sa complainant, handa umano itong iatras ang kaso kapag nakapag-usap sila nang maayos ni Flores.

"Sana po, magkaayos na po agad para hindi na lumaki iyong issue... Maraming sorry rin po sa kanila. Hindi rin po namin sila masisisi kung pinakulong nila si lolo kasi naagrabyado din po sila. Sorry na lang po," sabi ni Rona Jean, pamangkin ni Flores.

Sa Pebrero 8 itinakda ang arraignment ni Flores.

— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.