PatrolPH

80 anyos na lolo inaresto sa pagnanakaw umano ng mangga sa Pangasinan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2022 02:43 AM | Updated as of Jan 20 2022 11:27 AM

MAYNILA (UPDATE) — Kulong ang isang 80 anyos na lolo sa bayan ng Asingan, Pangasinan dahil sa kasong pagnanakaw umano ng mga mangga mula sa puno sa kanilang lugar.

Ayon sa Asingan Public Information Office, inaresto sa bisa ng warrant ang lolo sa Barangay Bantog noong Enero 13, at idinitene sa municipal police station.

Inilabas ang warrant noong Disyembre 20, 2021 ng 7th Municipal Circuit Trial Courts Asingan-San Manuel, matapos magsampa noong Mayo 18 ng kasong theft ang kaniyang kapitbahay.

Nangyari ang pamimitas ng mangga noong ika-25 ng Abril 2021, sabi ni Police Lt. Elmer Tangalin, ang deputy chief of police ng Asingan.

Batay sa rekord ng pulis sa kaso, nasa anim na kaing o mahigit 100 kilo ng mangga umano ang pinapitas sa punong pag-aari raw ng kapitbahay.

Ayon sa pulis, hindi nagkasundo ang lolo at ang kapitbahay sa barangay, kaya nauwi sa pormal na pagsasampa ng reklamo. Nasa P10,000 kasi ang hinihinging danyos ng nagrereklamo, pero P600 lang umano ang handang bayaran ng lolo.

"Dahil sa hindi naman kaya ni tatay ‘yong hinihinging pera doon kasi medyo malaki at titingnan mo status ng buhay ni tatay, walang pamilya, hindi niya kaya,” sabi ni Tangalin.

Sa panayam ng Asingan PIO, sinabi ng lolo na pinapitas niya ang mangga sa punong siya umano ang nagtanim pero binakuran lang ng nagrereklamo.

"Impaburas ko maysa poon ti mangga. Awan pay 10 kilos, ti ammok sakop mi. Idi inaladan dan sinakop da met, mula mi met dadiay, idi nangalad da sinakop da," pahayag niya sa PIO.

(Pinapitas ko iyong isang puno ng mangga, wala pang 10 kilo. Ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila. Pero tanim ko naman iyon.)

Dagdag niya, nais niyang aregluhin na lang ang kaso.

"Ti kayat ko kuma ke areglo kuman, dadiay met batet met nga banag. Idi ited ko iti bayad na di na kayat nga awaten, ti imbaga na bayadak kano ti sais mil," sabi ng lolo.

(Ang gusto ko sana makipagsundo. Maliit lang naman kasi na bagay. Noong ibibigay ko ‘yong bayad, ayaw nilang tanggapin. Ang sabi nila, bayaran ko ng P6,000.)

Umabot ng eksaktong isang linggo magmula nang hulihin siya bago nasimulang asikasuhin ang kaniyang pagpiyansa sa korte. 

Ayon kay Tangalin, natagalan ang pagaasikaso dahil nagsara ang korte matapos isailalim ang Pangasinan sa Alert Level 3 simula noong Enero 14, isang araw matapos arestuhin ang lolo.

Nasa P6,000 ang itinakdang piyansa ng korte.

Pinagbigyan ng pulis ng pagkakataon ang pamilya ng lolo na makapaglikom ng pampiyansa, bagaman hindi ito makabuo makalipas ang ilang araw.

Sabi ni Tangalin, nangako ang mga pulis na mag-aambagan rin ang mga ito para sa pampiyansa ng lolo kapag hindi nakalikom ang pamilya.

Pero ayon sa pulis, marami na rin ang nagbigay ng tulong pinansyal sa pamilya ng lolo matapos kumalat sa social media ang kuwento niya nitong Miyerkules.

Plano ng mga pulis na ibigay pa rin ang tulong pinansyal kahit pagkalaya ng lolo.

Mula noong nahuli, hindi ipinasok ang lolo sa custodial jail ng Asingan Municipal Police Station bilang konsiderasyon sa kaniyang edad at kalusugan, sabi ni Tangalin.

Sa halip ay sa opisina ng pulis umano siya pinatulog.

"Prinovide namin needs niya. All the time, pinapa-monitor namin ‘yong health condition ni tatay. Medyo matanda na, kaya tutok din ang RHU natin,” kuwento ni Tangalin.

Dagdag pa niya, kakausapin ng pulis ang nagreklamo sa lolo para malaman kung paano maaareglo ang kaso sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan.

— May ulat ni Karren Canon

MULA SA ARKIBO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.