SOCO: Sanggol sa Bataan, patay sa pambubugbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2018 02:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mas tumibay umano ang relasyon ng magkasintahan na sina "Catherine" at "Joerdon" nang isilang ang una nilang anak na si "Princess."

Kuwento ni Catherine, pinuno nila ng pagmamahal ang bata at prinotektahan nila ito, gaya ng ibang magulang.

"Nagagalit po siya (Joerdan) kapag kinakarga ng iba. Hindi po namin pinapayagan na magkapasa 'yun, gasgas. Tapos kapag may lamok, nagagalit siya (Joerdan) sa akin. Masyado po siyang maselan sa anak niya," pag-alala ni Catherine.

Kaya naman hindi inaasahan ni Catherine na magiging biktima ng krimen ang 1-taong gulang na anak nang minsang iwan ito.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital si Princess matapos maging biktima ng pambubugbog sa Mariveles, Bataan noong Nobyembre 17, 2017.

Base sa post-mortem examination, blunt traumatic injury ang ikinamatay ng bata. Nagtamo rin siya ng multiple hematoma sa mukha, leeg, tiyan at likod.

Nagtungo naman kaagad sa ospital si Catherine para kumpirmahin ang nangyari sa kaniyang anak.

"Gusto kong iuwi ‘yung anak ko kasi ayaw ko talagang maniwala. Gusto ko i-revive ‘yung anak ko. Nire-revive ko ‘yung anak ko," ani Catherine.

"Lahat ng natutunan ko no'ng nag-aaral ako, ginagawa ko [para sa] anak ko pero hindi na po siya gumagalaw."

Nagdadalamhati rin ang ina ni Catherine na si "Nilda" sa sinapit ng kaniyang apo.

"Nasabi ko sa sarili ko, bakit ganun? Bakit ‘yung bata pa? Masakit po sobra. 'Di ko ma-express kung ano talaga ‘yung naramdaman ko," sabi ni Nilda.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, huling nakasama ni Princess ang kaniyang amang si Joerdon bago maganap ang krimen.

"Tinanong nila ‘yung ama. Sinabi niya na iniwan niya ‘yung kaniyang anak sa kanilang bahay sa Brgy. Paseco, Mariveles ng around 6 o'clock [ng gabi]," pahayag ni Senior Insp. Jose dela Cruz ng Mariveles Police.

"Ipinagkatiwala niya ‘yung bata sa isang kaibigan [na may pangalang "Cristine"] upang kunin ‘yung perang pinadala ng kaniyang ina galing sa Palawan."

Ngunit nawala na umano si Cristine noong bumalik na si Joerdon sa kanilang tahanan at natagpuan niya ang kaniyang anak na wala nang malay.

Sundan ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye tungkol sa kaso, magpunta sa "SOCO" sa Facebook at Twitter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.