3 sugatan sa pag-araro ng dump truck sa 3 sasakyan sa Koronadal City

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2020 05:29 PM

Isang elf truck na may kargang mga galon ng tubig ang isa sa 3 sasakyang inararo ng isang dump truck sa Koronadal City noong Enero 17, 2020. Koronadal Traffic Management Unit

Tatlo ang sugatan nang banggain ng isang dump truck ang tatlong sasakyan sa Koronadal City noong hapon ng Biyernes.

Papuntang Barangay Poblacion sa Koronadal ang dump truck bandang alas-2 ng hapon nang mawalan ng preno, ayon sa imbestigasyon ng Koronadal Traffic Management Unit.

Dumeretso sa kabilang lane ang dump truck kaya nabangga nito ang isang pickup truck, elf truck na may kargang mga galon ng tubig, at isang tricycle.

Kabilang sa mga sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang driver at pasahero ng tricycle, at driver ng elf truck.

Nagkaareglo na ang mga nagkabanggan matapos tiyakin ng driver ng dump truck na babayaran niya ang mga gastusin ng mga nasugatan at pagpapaayos sa mga nasirang sasakyan.

-- Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.