Mga residente sa Taal, binalaang hindi sasagipin kapag hindi lumikas | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga residente sa Taal, binalaang hindi sasagipin kapag hindi lumikas

Mga residente sa Taal, binalaang hindi sasagipin kapag hindi lumikas

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 15, 2020 09:00 PM PHT

Clipboard

MAYNILA — Tuloy pa rin ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal ngayong Miyerkoles, dahilan para magpatupad ang ilang lugar ng lockdown para masawata ang mga residenteng nais bumalik sa kanilang mga tahanan.

TAAL, BATANGAS

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa Taal, Batangas, nagbanta na si Mayor Fulgencio Mercado na hindi bibigyan ng rasyon ng pagkain at tubig ang mga magmamatigas na ayaw umalis sa kanilang mga tahanan.

"Walang pagkain na ibibigay... Pagod na kami. Sayang ang effort kapag may nangyari na casualty. Sayang ang effort ng bawat isa... Wala nang rescue na aasahan, ire-rescue naman namin ang sarili namin bago sila, wala tayo magagawa," ani Mercado.

Puwersahan na ang ginagawang paglilikas sa mga residente lalo na ang malapit sa bulkan. Nais makatiyak ng lokal na pamahalaan na walang magbubuwis ng buhay.

ADVERTISEMENT

Sumunod naman kaagad ang mga residente dahil alam din nila na delikado na ang sitwasyon.

Parami kasi nang parami ang mga pagbitak ng lupa sa Bypass Road sa Taal. Hindi lang basta bumitak, umangat pa ang kalsada.

Samantala, hanggang ngayong araw na lang ang palugit na ibinigay ni Mercado para lumikas.

Posibleng magdeklara na si Mercado ng lockdown sa Taal sa Huwebes.

Putol na rin ang suplay ng tubig doon at isusunod na ang suplay ng kuryente.

TALISAY

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nang dahil naman sa lockdown na ipinatupad sa bayan ng Talisay, maraming residente ang nag-init ang ulo nitong umaga dahil nais nilang puntahan ang mga naiwang alagang hayop, na parte ng kanilang kabuhayan.

Ang iba, nakipagtaasan pa ng boses sa mga pulis.

Ipit tuloy ang mga pulis sa utos sa kanila at sa pangangailangan ng mga residente doon.

Pero kalaunan ay binago din ang lockdown order at pinayagan na ang mga residente na pumunta sa kanilang mga bahay mula alas-6 hanggang alas-10 ng umaga.

TAGAYTAY CITY

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinatupad na rin ang forced evacuation sa 2 barangay sa Tagaytay City habang may ilang lugar din na iminumungkahi na ang voluntary evacuation.

Ayon sa Tagaytay City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), minabuti na nilang bawasan ang bilang ng mga evacuation center.

"Gusto namin resources hindi palipat-lipat. Ginawang tatlo ang evacuation center. From 34 to 3 evacuation centers. We expect na dadami pa ang mga pupunta rito," ani Jose Clyde Yayong ng Tagaytay CDRRMO.

VOLCANO ISLAND

Watch more in iWantv or TFC.tv

Samantala, magdadagdag ng puwersa ang Philippine Coast Guard sa palibot ng volcano island ng Taal dahil marami pa rin umanong residente ang pumupuslit para sa ari-arian at mga naiwang hayop.

Lumalaot kasi ang mga residente kapag madaling araw para malusutan ang mga awtoridad.

Isa na dito si Julius Magpantay na kinuha ang kaniyang mga naiwang alaga.

"Nakita ko 'yung sa mga kapitbahay ko, gusto ko isakay nakakaawa pero wala kaming magawa, masakit na iwan lang din sila doon, pero ayaw na kami pabalikin."

Nasa may 50 hayop ngayon ang nasa bayan ng Balete na ginagamot ng animal rights groups at mga volunteer veterinarian.

TOURIST SPOTS

Iniinda naman ngayon ng mga may negosyo sa Tagaytay City ang epekto ng ashfall, bunsod ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Simula noong Lunes, pansamantalang nagsara ang ilang hotel, restoran, at pasyalan dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente at tubig.

Wala ring masyadong makakainan sa Tagaytay ngayon dahil apektado rin ng ashfall ang mga sikat na bulaluhan.

Maging ang mga tindahan ng bulaklak naperwisyo dahil sa ashfall.

Pati mga magpuprutas, ramdam na ang pagkalugi dahil halos wala na silang nabenta mula noong Lunes.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na manumbalik ang normal na sitwasyon bago mag-weekend.

DANGER ZONES

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nasa kalahating milyong tao ang tinatayang apektado sa Batangas dahil sa pagputok ng Bulkang Taal, ayon sa gobernador ng lalawigan.

Ilang bayan pa sa probinsiya ang nagiging ghost town na rin dahil patuloy na umuurong ang tubig ng lawa na ikinakatakot na ng marami.

"Dito sa amin sa Batangas ang mga evacuees, mga 20 percent lang ang nasa evacuation centers. Very strong ang family ties at ang mga ito, hindi umaasa sa iba kung hindi sa pamilya, nang mag-evacuate unang pinuntahan nila mga kamag-anak," sabi ni Gov. Hermilando Mandanas.

Dagdag ni Mandanas, pagkatapos ng kalamidad ay gagawin nang "no man's land" ang isla o bawal na talagang puntahan.

Ang isang inaalala ngayon ng gobernador ay paano maiibsan ang trauma ng mga nasalanta, lalo na ng mga nasa evacuation center at mga bata.

—Ulat nina Dennis Datu, Jorge Carino, Jeff Canoy, Ron Gagalac, Angel Movido, at Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.