Retrato mula sa Facebook page ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon
Arestado sa Muntinlupa City ang isang banyagang vlogger matapos umanong maglabas ng content na nagpapakitang nangpi-pick up siya ng menor de edad na babae sa lungsod.
Sa magkahiwalay na Facebook post noong gabi ng Martes, iniulat ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon at ng lokal na pamahalaan ang pag-aresto ngayong linggo sa lalaking kinilala bilang "Mr. Pogi German."
"Naaresto na ang foreign national na... ginawang content ang pag-pick up sa isang menor de edad na babae dito sa ating lungsod. Base sa video, mukhang napagsamantalahan niya ang pangangailangan ng nasabing babae," ani Biazon.
"Siya ay gumagawa ng mga videos na involved ang isang babaeng Muntinlupeno. At tila sa kaniyang mga content na kini-create ay parang napo-promote tuloy niya ang prostitution, nalalagay sa masamang imahe ang lungsod ng Muntinlupa, at may mga tila parang nae-exploit na mga kababaihan," dagdag pa ng alkalde nitong Miyerkoles sa kaniyang Facebook page.
"Hindi natin tino-tolerate ang ganitong klaseng mga activity. This also serves as a warning to all other persons na engaged sa ganito. Kung ganyang klaseng content din ang gagawin nila, 'wag na nilang pagtangkaan pa."
Base sa inilabas na mugshot ng dayuhan, nilabag umano nito ang Republic Act 9995 (An Act Defining and Penalizing The Crime of Photo and Video Voyeurism) at RA 8353 (An Act Expanding the Definition of the Crime of Rape and Reclassifying the same as Crime Against Persons) in relation to RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).
"Dadalhin na sa inquest ang nasabing lalaki," ani Biazon nitong Miyerkoles.
Nanawagan din si Biazon sa city council na ideklarang persona non grata ang dayuhan dahil sa ginawa nitong "hindi lang naka-offend sa isang tao, but also the entire city."
Sasailalim naman umano sa psychological assessment ang menor de edad at bibigyan ng kaukulang tulong ng lokal na pamahalaan.
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.