Mga habal-habal nagkalat sa Caloocan City; MMDA nanawagang iwasan ang mga ito | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga habal-habal nagkalat sa Caloocan City; MMDA nanawagang iwasan ang mga ito

Mga habal-habal nagkalat sa Caloocan City; MMDA nanawagang iwasan ang mga ito

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 11, 2023 09:10 PM PHT

Clipboard

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nagkalat nitong Miyerkoles ng umaga ang mga kolorum na motorsiklong habal-habal malapit sa LRT-1 Monumento station sa Caloocan City.

May mga nakapila nang habal-habal rider sa gilid ng nasabing estasyon bandang alas-7 ng umaga para mag-abang ng mga pasaherong papasok sa kani-kanilang mga trabaho.

Habal-habal ang pinipiling sakyan ng ilang mga mananakay na nagmamadali at hindi na mahintay ang haba ng pila sa LRT-1.

Bagama't aminado ang rider na si alyas "Jerry" na wala silang permit para mag-operate, ligtas naman daw nilang naihahatid ang kanilang mga pasahero.

ADVERTISEMENT

"Tripleng ingat na lang po talaga. Balewala na lang rin iyong insurance kasi hundred thousand lang din naman iyong mapapasok... Wala kasing talagang trabaho kaya ito na lang po ang nagagawa namin na diskarte," aniya.

Reklamo naman ng Joyride rider na si John Capitle, hindi patas kung patuloy na mamamasada ang mga habal-habal rider dahil hindi sila dumaan sa tamang proseso.

Samantala, nagsagawa ng operasyon laban sa mga habal-habal ang Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes.

Paalala nila sa mga commuter na tumatangkilik nito, walang kaukulang mga dokumento ang mga habal-habal rider kaya kung sakali man na magkaroon ng aksidente, wala silang magiging pananagutan.

"Ang mga habal-habal, unregistered, unregulated po iyan na wala pong pananagutan ang mga rider na po yan kapag kayo po ay naaksidente. So we strongly discourage the public [from patronizing] it kasi kung walang sasakay, walang magbabayad sa habal-habal, unti-unti it will die down e," sabi ni MMDA New Task Force Special Operations (NTFSO) Deputy Chief Gabriel Go.

Dagdag pa ng MMDA, ang mga legally operated na motorcycle taxis ay may profile sa kanilang kumpanya. Ang mga habal-habal rider naman, walang pagkakakilanlan.

Kaya kung magkaroon man ng insidente ng pagnanakaw o iba pang krimen, mahihirapan ang mga commuter na matunton ang mga rider ng habal-habal.

Sisikapin naman ng MMDA na mapahinto ang operasyon ng habal-habal at hinihingi na rin nila ang kooperasyon ng mga commuter upang mangyari ito.

—Ulat ni Karen De Guzman, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.