COVID-19 cases sa Pilipinas, higit 3 milyon na | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

News

COVID-19 cases sa Pilipinas, higit 3 milyon na

COVID-19 cases sa Pilipinas, higit 3 milyon na

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA — Umabot na sa higit 3 milyon ang bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas mula nang mag-umpisa ang pandemya, base sa datos ngayong Martes ng Department of Health (DOH).

Ito'y matapos makapagtala ang DOH ng 28,007 dagdag na kaso ng COVID-19, dahilan para umakyat sa 3,026,473 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso.

Mula sa bilang na iyon, 181,016 ang active cases o may sakit pa rin, ayon sa DOH.

Nakararanas ngayon ang Pilipinas ng muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19, na hinihinalang dahil sa mas nakahahawang omicron variant.

ADVERTISEMENT

Noong gabi ng Linggo, inihayag ni Health Secretary Francisco Duque na napalitan na ng omicron ang delta bilang "dominant" na variant sa bansa.

Base kasi sa pinakahuling genome sequencing na isinagawa ng bansa noong Enero 3, 60 porsiyento ang naitalang omicron.

Ayon sa datos ng DOH, mula sa 48 samples na pinag-aralan, 29 dito ay omicron habang 19 naman ang delta.

"So siya na po 'yung nagdo-dominate na variant, whereas before it was the delta," ani Duque.

Pero ayon sa Philippine Genome Center (PGC), kailangan pa ng mas maraming pag-aaral para masabing omicron ang dominant variant sa bansa.

Lumalabas lang na mataas ang omicron sa samples sa huling genome sequencing dahil galing ang mga ito sa National Capital Region at returning overseas Filipino, ani PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma.

Ayon din kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ayon sa datos na mayroon ang bansa, delta ang may pinakamaraming kaso sa Pilipinas.

Pero dahil sa bilis ng hawahan ngayon, malaki ang tsansa na omicron na nga ang nasa likod ng pagsirit ng mga kaso ng COVID ngayong Enero.

Sa kabila ng bilis ng pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso, mabagal naman ang pagtaas ng bilang ng mga na-admit sa ospital at nagiging severe at critical case.

Pagbagal ng pagdami

Ayon kay Vergeire, nakakakita na ang DOH ng pagbagal ng pagdami ng kaso nitong nagdaang mga araw, senyales na maaaring malapit nang maabot ng bansa ang peak o pinakamataas na bilang ng mga kasong maitatala.

Ayon din sa University of the Philippines (UP) Pandemic Response Team, maaaring malapit nang makita ang simula ng pagbaba ng mga kaso.

"If, let's say, we're going to have mid-January... so puwede na siya mag-decline. But itong pag-decline, hindi ibig sabihin [na] low level na agad tayo," ani Jomar Rabajante ng UP Pandemic Response Team.

"We might experience 'yong paghupa na low level, pre-omicron, earliest na 'yong last week ng February, mga March pa siguro 'yong paghupa," ani Rabajante.

— Ulat ni Wena Cos, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.