ALAMIN: Rehabilitasyon ng Manila Bay, gagawing 'mala-Boracay' | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Rehabilitasyon ng Manila Bay, gagawing 'mala-Boracay'

ALAMIN: Rehabilitasyon ng Manila Bay, gagawing 'mala-Boracay'

ABS-CBN News

Clipboard

Nakatakdang magsagawa ng rehabilitasyon ang gobyerno sa Manila Bay. Romeo Ranoco, Reuters/ File

Matapos isailalim ng gobyerno sa rehabilitasyon ang isla ng Boracay, nakatakda naman nilang isunod ang Manila Bay — isang proyektong sinasabing aabutin ng halos dekada at nangangailangan ng pondong aabot sa bilyon-bilyong piso.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, gaya ng ginawa sa Boracay, lilikha muli ang gobyerno ng task force na binubuo ng iba-ibang ahensiya.

Pangungunahan umano ito ni Environment Secretary Roy Cimatu ang task force habang magsisilbing isa sa mga vice chairmen si Año.

Kasama rin sa task force ang mga grupong magsasagawa ng inspeksiyon, imbestigasyon, at auditing sa mga estruktura sa paligid ng Manila Bay, at paligid ng mga katubigang konektado rito.

ADVERTISEMENT

Sa Enero 27 nakatakdang ilunsad ang Manila Bay Rehabilitation project, kung saan tatalakayin ng mga makikiisang ahensiya ang mga hakbang sa rehabilitasyon.

TATLONG 'PHASES'

Ayon kay Environment Undersecretary Sherwin Rigor, na may hawak sa master plan ng proyekto, mayroong tatlong phase o bahagi ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

Ang unang phase daw ay ang paglilinis sa mismong katubigan na tatagal ng tatlong taon.

Ang ikalawang phase ay may kinalaman naman sa "relocation, infrastructure, and everything" na tatagal ng pito hanggang 10 taon, ani Rigor.

Kasama rin sa ikalawang phase ang pagsilip sa koneksiyon ng mga kabahayan sa sewerage system ng Maynilad at Manila Bay.

Mayroong 13 milyon mula sa 16 milyong konsumer ng Maynilad at Manila Bay ang hindi umano konektado sa sewerage system, na nangangahulugang maaaring direkta nilang itinatapon ang kanilang basura at dumi sa Manila Bay.

Tinatayang nasa daan-libong "illegal settlers" ang naninirahan sa paligid ng Manila Bay at kailangan i-relocate, ani Cimatu.

Nakapaloob naman umano sa ikatlong phase ang "enforcement and sustainment," pagpapakalat ng kamalayan ukol sa kalinisan ng Manila Bay at pagsasagawa ng mga pananaliksik.

Aabot sa P47 bilyon ang pondong kakailanganin para sa rehabilitasyon, na inaprubahan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

GAANO KARUMI?

Madalas inaanod sa Baywalk at Roxas Boulevard ang basura mula Manila Bay lalo kapag nakararanas ng malakas na pag-ulan na nagdudulot ng malalakas na paghampas ng alon ang Kamaynilaan.

Sinasabing nagmumula ang mga basurang ito sa mga illegal settler na naninirahan sa paligid ng katubigan, at sa mga karatig-lalawigan ng Cavite at Laguna.

Bukod sa basura, lumabas din sa water sampling na isinagawa kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na iyong mga "river mouth" o bahagi ng mga ilog na konektado sa Manila Bay ay naglalaman ng average na 330 milyon MPN (most probable number) fecal coliform, malayo sa katanggap-tanggap na antas na 100 MPN.

Ang fecal coliform ay isang uri ng bakterya.

MGA ESTABLISIMYENTO, IINSPEKSIYUNIN

Isa sa mga maagang hakbang ng rehabilitasyon ay ang pag-inspeksiyon sa mga establisimyentong pinaghihinalaang nagtatapon ng dumi sa Manila Bay.

Bukod sa mataas na nibel ng fecal coliform, lumabas din sa water sampling na ang maruming tubig ay maaaring nanggaling sa mga restoran, medikal na pasilidad, at zoo na malapit sa Manila Bay at mga katubigang konektado rito.

Aabot sa 100 establisimyento ang padadalhan ng DENR ng notice of inspection, ani Rigor.

Kapag napatunayang may paglabag ang establisimyento, maaari silang ipasara at pagmultahin, depende sa bigat ng paglabag. Mananatiling sarado ang establisimyento hanggang sa sumunod sila sa wastewater treatment regulations.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.