300,000 'illegal settlers' sa Manila Bay, balak i-relocate

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2018 08:21 PM | Updated as of Jul 25 2019 11:51 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak ipa-relocate ni Environment Secretary Roy Cimatu ang nasa daang libong "illegal settlers" sa Manila Bay bilang bahagi ng rehabilitasyon sa katubigan.

Aabot sa 300,000 ang bilang ng mga taong nagtayo ng bahay o ilegal na naninirahan sa paligid ng Manila Bay.

"Slowly siguro kasi (ang) capability naman natin to resettle ay talagang limited lang eh," sabi ngayong Martes ni Cimatu.

Nagbigay si Cimatu ng dalawang linggong palugit sa Manila Bay Coordinating Committee para makabuo ng work plan at simulan ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

Madalas inaanod sa Baywalk at Roxas Boulevard ang basura mula Manila Bay lalo kapag nakararanas ng malalakas na pag-ulan na nagdudulot ng malalakas na paghampas ng alon ang Kamaynilaan.

Bukod sa dami ng basura, mataas din ang fecal coliform level ng Manila Bay o mataas ang antas ng bakterya sa tubig.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, maaaring maging sanhi ang bakterya ng mga skin irritation o pangangati ng balat at diarrhea o pagtatae.

Pinababantayan din ang mga establisimyento na hinihinalang nagtatapon ng waste water o maduming tubig sa Manila Bay.

"'Yong establishments na nandiyan mismo sa tubig ay talagang ipapasara 'yon, ire-recommend ko talaga," ani Cimatu. --Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.