Biyaheng barko mula Palawan patungong Kota Kinabalu, sisimulan na

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 06:43 PM

Ilulunsad sa Pebrero ang biyahe ng barko mula Palawan patungong Kota Kinabalu, Malaysia. Kuha ng Philippine Coast Guard Palawan

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng ekonomiya at turismo sa Palawan, nakatakda nang simulan sa Pebrero ang biyahe ng barko mula Palawan patungong Kota Kinabalu, Malaysia.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng probinsiya, mula Buliluyan Port sa Bataraza, Palawan, maaari nang sumakay ng Fast Cat Ferry patungong Kudat Port, Malaysia.

Ang dalawang pantalan ay mayroon na ring customs, immigration, quarantine and security centers na magpoproseso ng mga dokumento ng mga biyahero.

"Ito ay kasama ng infrastracture projects natin, 'yung 6-lane highway, 'yung roll-on, roll-off (RORO) sa southern Palawan, magkakaroon ng RORO sa North. So bale tatlong RORO, para connecting. Envision natin na maging trade route ang lalawigan natin," ani Palawan provincial information officer Gil Acosta.

Ang Fast Cat Ferry ay may kakayahang magsakay ng mahigit 200 pasahero at mahigit 30 sasakyan.

Tinatayang anim na oras ang biyahe patungong Malaysia.

Sakaling magsimula na ang regular na biyahe, malaki umano ang maitutulong nito para sa pagpapabilis ng transportasyon ng mga produkto mula sa karatig bansa at mapapalakas din nito ang sektor ng turismo.

Ang pag-anunsyo sa bubuksang ruta ay naganap sa pagpupulong ng Provincial Government of Palawan, Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area Business Council, at ilang opisyal ng Malaysia.

Isasagawa ang trial run ng Fast Cat Ferry sa unang linggo ng Pebrero.