PatrolPH

Ilang taga-Bulacan sumasakay ng balsa dahil sa patuloy na pagbaha

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2023 12:02 PM

Baha sa Calumpit, Bulacan noong Enero 7, 2023 bunsod ng pagpapakawala ng tubig ng Angat at Ipo Dam. Screengrab mula sa video nina Bayan Patroller Lyn Celso at Jeffrey Andico
Baha sa Calumpit, Bulacan noong Enero 7, 2023 bunsod ng pagpapakawala ng tubig ng Angat at Ipo Dam. Screengrab mula sa video nina Bayan Patroller Lyn Celso at Jeffrey Andico

Nananatiling baha ngayong Linggo sa ilang lugar sa Calumpit, Bulacan bunsod ng pagpapakawala ng tubig sa Angat at Ipo Dam.

Sa video na ibinahagi ni Bayan Patroller Lyn Celso, kita ang mga residente na nakasakay sa balsa, na aniya'y tanging paraan para makalabas sila ng bahay upang makabili ng mga pangangailangan.

Watch more News on iWantTFC

Video mula kay Bayan Patroller Lyn Celso

Sa hiwalay na video na ibinahagi ni Celso noong gabi ng Sabado, makikita ang umano'y lagpas-taong baha sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Meysulao.

Ayon kay Celso, bumabaha na nang ganoong kataas sa kanilang lugar tuwing may high tide o kaunting ulan.

Watch more News on iWantTFC

Video mula kay Bayan Patroller Jeffrey Andico

Sa video naman mula kay Bayan Patroller Jeffrey Andico, makikita ang baha sa may Barangay Balungao bandang alas-3 ng hapon noong Sabado.

Ayon kay Andico, kinuhanan niya ang video habang sakay ng tricycle at pauwi sa katabing-bayan ng Hagonoy.

Nitong Linggo, 2,198 pamilya o 7,198 indibidwal sa Bulacan ang nasa evacuation center matapos ilikas noong Sabado dahil sa baha matapos magpakawala ng tubig ang 2 dam.

Base sa update ng PAGASA nitong umaga ng Linggo, sarado na ang lahat ng gate ng Angat at Ipo Dam pero pinag-iingat pa rin ang mga residente sa mga bayan na nagsisilbing catch basin ng tubig mula sa mga dam.

— Ulat mula sa Bayan Mo iPatrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.