Ilang lugar sa Laguna, binaha; landslide naiulat sa Quezon | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang lugar sa Laguna, binaha; landslide naiulat sa Quezon

Ilang lugar sa Laguna, binaha; landslide naiulat sa Quezon

Michael Delizo,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 05, 2023 07:02 PM PHT

Clipboard

Watch more News on iWantTFC

LAGUNA — Binaha ngayong Huwebes ang ilang lugar sa probinsiyang ito dahil sa magdamagang ulan bunsod ng shear line at low pressure area.

Muling tumaas at umabot hanggang tuhod ang baha sa Barangay Dela Paz sa lungsod ng Biñan.

Dati nang binabaha ang lugar mula pa nang tumama ang Bagyong Paeng noong Oktubre 2022.

Kapansin-pansing tila sanay na ang mga residente na namumuhay sa baha: marami ang mga naka-bota at may mga bangka at balsa na rin ang ilang mga pamilya.

ADVERTISEMENT

"Sobrang hirap po kasi ang taas pa ng pamasahe, dagdag-pamasahe tapos male-late ka po," ani Katrina Moro, isang Grade 11 student na nagbabayad ng P20 sa pagsakay sa bangka.

"Talaga pong super hirap. Nag-aahente po ako ngayon para makaaalis dito," sabi naman ni Teresita Reyes, isang guro.

"Sana bigyan kami ng tulay dito, kawawa ‘yung mga estudyante at mga nagtatrabaho," anang residenteng si Roland Montoya.

Nag-aalok naman ng balsa sa mga residente si Sonny Alaurrin.

"Kung halimbawa, kung sino pong kailangan ng tulong, puwede akong makahingi sa kapwa ko. Hindi ako naniningil, kung magkano ang kanilang ibigay, tatanggapin ko po," aniya.

Si Alvin Santos naman ay muling naglimas ng tubig sa bahay nang tumaas ang baha nitong madaling-araw ng Huwebes.

"Sana po matapos na ang baha dito. Kahit walang relief, basta tuyo," ani Santos.

Bukod sa Barangay Dela Paz, baha rin sa mga barangay ng San Jose at Malaban.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Laguna, binaha rin ang Santa Rosa, San Pedro, Cabuyao, Bay, Famy, Pila, Santa Cruz, at Lumban.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Regional Director Maria Theresa Escolano, may 19 na evacuation center sa Laguna para alalayan ang mga residente, sa pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development.

Tiniyak din ng Laguna PDRRMO ang tulong na ibinibigay sa mga apektadong residente, tulad ng inuming tubig, face mask, at vitamins.

"‘Yong ilan po na baha pa sa ngayon, ayan po ay effect pa ng Paeng. Kami naman ay tuloy-tuloy na nagkakausap ng DRRMOs at iba’t ibang agency para ho ma-monitor ang iba’t ibang area dito sa lalawigan," ani Aldwin Cejo ng Laguna PDRRMO.

Sa Quezon province, naitala naman ang landslide sa Sitio Maligaya, Barangay Cagsiay I sa bayan ng Mauban bandang alas-4 ng madaling araw.

Isang sasakyan ang tinamaan sa pagguho pero wala namang nasaktan.

Nagpapatuloy pa ang clearing operation sa lugar.

"Pinagpapasalamat na lang rin po natin na hindi po kalakihan ‘yung bumagsak na portion ng lupa at hindi naka-damage sa tapat na bahay, that’s why wala po tayong casualties," ani Mark Oliver Jalimao ng Quezon PDRRMO.

Inatasan na umano ng OCD ang mga kaukulang ahensya na maging handa sa epekto ng nagpapatuloy na pag-ulan.

"We are just on standby protocol but we may raise the emergency preparedness response protocol to Alpha as necessary to be more vigilant," ani Escolano.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.