PatrolPH

Mga nasalanta ng bagyong 'Usman' hirap makabangon

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2019 01:29 PM

Mga nasalanta ng bagyong 'Usman' hirap makabangon 1
Nagtumbahan ang mga bahay sa gilid ng kalsada dahil sa epekto ng bagyong Usman sa Lope de Vega, Northern Samar. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News


Hirap pa rin makabangon ang mga residenteng naapektuhan ng bagyong Usman sa Northern Samar at Calbayog City.

Papasok pa lang sa bayan ng Lope de Vega sa Northern Samar, makikita na ang matinding pinsala na iniwan ng bagyong “Usman.”

Maliban sa mga landslide sa daan, makikita rin ang mga bahay na pinatumba ng bagyo na nagdala ng matinding pagbaha sa nasabing bayan.

Makikita rin sa gilid ng kalsada ang mga basang gamit ng mga residente.

Isa ang nasabing bayan sa mga matinding napinsala ng bagyo.

Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Lope de Vega, aabot na sa anim ang namatay sa pagkalunod sa baha at landslide sa bayan.

Isa sa mga namatay ang 84 anyos na ina ni Charlie Miano.

Ayon sa kaniya, nag-evacuate na noon ang ina ngunit bumalik pa sa bahay. Dito na siya naabutan ng pagragasa ng tubig.

Kuwento pa ng ilang residente, kahit signal number 1 lang ang itinaas sa kanilang probinsiya, naranasan nila ang matinding pag-ulan na nagdulot ng pagbaha.

Nasa 3,941 pamilya o aabot sa 14,750 residente ang apektado ng bagyo sa nasabing bayan.

Lahat sila hirap kung paano muling makababangon matapos ang kalamidad.

Aabot sa 1,445 ang partially damaged na bahay at 707 naman ang totally damaged na tahanan.
 
Isa si Clemencia Bellobino sa mga nawalan ng bahay. Nadala ng malakas na tubig ang kanilang bahay kaya ngayon gumawa muna sila ng pansamantalang masisilungan.

Hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente sa 22 barangay ng bayan.

Ayon kay Mayor Ana Palloc, kahit may relief goods na naipamimigay sa mga apektadong pamilya, aabutin pa ng apat hanggang limang buwan bago sila makabangon.

Dagdag niya na kahit isinailalim na sa state of calamity ang bayan, hindi pa rin ito sapat upang mabigyan ng tulong ang mga biktima.

Samantala, isinailalim rin sa state of calamity Huwebes ng hapon ang buong probinsiya ng Northern Samar dahil na rin sa bagyong Usman.

Binaha rin ang ilang barangay sa Calbayog City sa Samar.
Apektado ang ilang mga estudyante dahil sa pagbaha kagaya ni Carla Joy Labonete na nagpapatuyo ng kaniyang mga aklat at notebook na nabasa sa baha.

Ang ilang mga paaralan sa Calbayog ay binaha rin kaya balik sa simula ang mga guro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.